May dalang good vibes ang bandang Emotikons sa bago nilang kanta na “Kapitbahay” na tiyak magpapa-miss sa inumang Pinoy kasama ang buong tropa.
Naisulat ang “Kapitbahay” bago pa nangyari ang COVID-19 pandemic, na layunin sanang ibida ang isa sa mga pinakapaboritong pampalipas oras ng mga Pilipino—ang inuman.
“Ngayong nasa pandemya tayo, naging pagbabalik-tanaw na lang ‘yung kanta sa mga panahon dati na mas madaling makipag-inuman at pwede ring gawin nang mas madalas,” paliwanag ng Emotikons, na sinabing kahit na importante ang pag-‘live life to the fullest,’ mas mahalaga sa ngayon ang kaligtasan ng lahat at responsableng pag-inom.
Tampok sa bagong DNA Music release ang nakakaindak na reggae sound mula sa bandang binubuo nina Marco Nardo (lead vocals), Ronnel Alegre (rhythm guitar at second vocals), Darwin James Mabolo (drums, beatbox, at second vocals), Melvin Mendoza (lead guitar), Lourence Fernandez (bass), at Elmar Abalos (percussion). Ang band members mismo ang sumulat ng kanta na ipinrodyus ng Pilipino Klasik Entertainment (PKE).
Ngayong 2021, inilabas din ng Emotikons ang English reggae single na “Summertime.” Noong 2020 naman, nag-cover ang grupo ng kantang “This Guy’s In Love with You Pare,” at ini-release ang isa pa nilang original song na “Dudera” na ngayon ay meron nang 325,000 Spotify streams.
Balikan ang saya ng inuman ng barkada bago nagka-pandemya at pakinggan ang “Kapitbahay” ng Emotikons sa digital music platforms at sa YouTube channel ng DNA Music. Para sa iba pang detalye, sundan ang DNA Music sa Facebook (www.facebook.com/dnamusicph), Twitter at Instagram (@dnamusicph).