in

Pinoy slang na ‘Sakalam,’ may ibang kahulugan para kay Gigi de Lana

Binigyan ng bagong kahulugan ni Gigi de Lana ang Pinoy slang na “Sakalam” sa debut single niya na ini-release ng Star Music.

Power rock ballad ang “Sakalam” na tungkol sa pighati ng isang tao na hindi makabitaw sa karelasyon na nagbago na ang nararamdaman para sa kanya. Kabaligtaran ito ng salitang “malakas” na mas nagpapatindi ng lungkot na ipinaparating ng kanta.

“Habang kinakanta ko ‘yung ‘Sakalam,’ nasasaktan ako. Nilalagay ko ‘yung sarili ko sa song kasi gusto kong kantahin na punong-puno ng soul. Sobrang nakaka-relate kasi sa mga pinagdaanan ko rin sa buhay,” kwento ni Gigi.


Nito lang Agosto, inanunsyo ni Gigi ang marami sa mga nakalinya niyang proyekto para sa 2021, kasama na ang pagiging bahagi niya sa Filipino music festival na “1MX Dubai” at ang pag-headline niya sa sarili niyang “YouTube Music Night” digital concert na parehong gaganapin sa Disyembre.

Damhin ang “Sakalam” na sakit at pakinggan ang debut single ni Gigi sa iba’t ibang digital music platforms. Mapapanood na rin ang music video ng kanta sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).