Sinong mag-aakala na ang isang dating OFW ay magiging isang tanyag na vlogger?
‘Yan ang kwento ni Bernie Batin o mas kilala bilang si @berniecularvlogs, ang tinaguriang “pinakamasungit na tindera sa social media” na nasa tuktok ng kasikatan ngayon sa online world. Ngayong Sabado (Setyembre 16) sa “My Puhunan,” ilalahad ni Bernie kung paano naging susi sa tagumpay ang kanyang munting tindahan na sinamahan ng katatawanan sa kanyang content.
Dahil sa kanyang makwelang mga video, meron ng higit sa limang milyon followers si Bernie sa TikTok. Meron na rin siyang isang milyong followers sa Facebook at 245,000 subscribers naman sa YouTube. Dahil sa kanyang umaaribang karera bilang isang vlogger, nakapagpatayo na rin si Bernie ng kanyang sariling bahay.
Samantala, isa ring dating OFW ang magbabahagi ng kanyang tagumpay ngayon bilang isang negosyante.
Mahirap ang buhay ni Eric Tiongson na naging isang takatak boy sa mga jeep noong bata pa siya. Noong mabigyan ng oportunidad na magtrabaho abroad, nakipagsapalaran si Eric sa Saudi Arabia at sumunod naman sa South Korea.
Dahil sa kanyang pangarap na makapag-ipon para sa kinabukasan ng pamilya, nag-TNT (Tago ng Tago) si Eric at ang kanyang misis sa South Korea hanggang sa sila ay mahuli ng mga awtoridad at pinabalik sa Pilipinas.
Gamit ang kanyang ipon bilang isang OFW, nagpagawa si Eric ng bahay na kalaunan din ay binenta niya. Dito nagmula ang kanyang ideya na magtayo ng sariling buy and sell business na E. Tiongson Builders. Sa ngayon, nakapagbenta na si Eric ng 28 na bahay sa loob lamang ng pitong taon.