Nakuha ng ABS-CBN ang parangal bilang Best TV Station of the Year sa 7th Inding-Indie Excellence Awards na ginanap sa makasaysayang Metropolitan Theater noong Agosto 30 (Martes).
Wagi ang “TV Patrol,” ang primetime newscast ng ABS-CBN, bilang Best News Program of the Year, habang pinarangalan naman ang “Maalaala Mo Kaya,” ang longest-running drama anthology sa Philippine television, bilang Best Anthology TV Program of the Year.
Samantala, pinangalanan din bilang Huwarang Artista Ng Kabataan si “Mars Ravelo’s Darna” lead star na si Jane de Leon. Kamakailan lang, naging usap-usapan sa social media ang transpormasyon ni De Leon bilang ang iconic superhero na si Darna.
Inorganisa ng Inding-Indie Film Festival ang patimpalak, kung saan ang kanilang selection committee at mga mag-aaral ng St. Agnes Academy, Diliman High School, Christian School University, Youngrock School of Cabuyao, at Monterey School Inc., ang nagsilbing voting body.
Naglalayon ang organisasyon na makakuha pa ng suporta para sa mga lokal na pelikula at media. “Ipagpatuloy natin ang laban upang mapanatili ang ating tradisyonal na sining at kultura,” nakasaad sa kanilang opisyal na Facebook page.