Aprubado pa rin mga taga-akademya ang ABS-CBN matapos itong umani ng 24 parangal kabilang ang Best TV/Digital Media Station sa 19th Gawad Tanglaw.
Parehong nanalo bilang Best Variety Program ang “ASAP Natin ‘To” at “It’s Showtime,” samantalang Best Drama Series ang “Ang Sa Iyo Ay Akin” na pinagbibidahan nina Iza Calzado at Jodi Sta. Maria, na ginawaran naman ng Best Actress (Drama Series). Pinili namang Best Actor (TV Series) si JM De Guzman para sa “Pamilya Ko.”
Nanguna naman para sa ABS-CBN News ang “TV Patrol” (Best TV Newscast), “Fedelina: A Stolen Life” (Best TV Documentary), at mga programa ng ABS-CBN News Channel (ANC) na “Matters of Fact” at “Headstart,” na parehong Best Public Affairs Program. Wagi rin ang “Executive Class” (Jury Award for Excellence in Lifestyle and Leisure Communication) at ang blocktimer na “Kabuhayang Swak na Swak” (Best Educational Program).
Tumanggap din ng pagkilala sina Ron Cruz at Karen Davila bilang Best TV News Anchor. Nakuha rin ni Karen ang 1st MLQU Pro Partia ET JURE Jury Award for Broadcast Journalism habang si Karmina Constantino ang ginawaran ng Gantimpalang Dr. Debbie Francisco Dianco para sa Sining ng Pangmadlang Komunikasyon.
Kinilala rin ang “SRO: Suhestiyon, Reaksyon, at Opinyon” (Best Digital TeleRadio Program) at “Kape at Salita” (Jury Award for Excellence in Religious Studies and Communication) ng TeleRadyo.
Para naman sa Metro Channel, panalo ang “EIC on the Move” at host nitong si Raul Manzano ng Best Lifestyle Show Program and Host, habang tagumpay din ang “The Food that We Are” (Jury Award for Excellence in Food History) at “At The Table” (Jury Award for Excellence in Culinary Arts Communication).
Jury Award for Excellence in Development Communication naman ang ibinigay sa “G Diaries” ng ABS-CBN Foundation.
Panalo rin para sa kani-kanilang proyekto ang Kapamilya artists na sina Enchong Dee (Alter Me), Iza Calzado (Tagpuan), at Shaina Magdayao (Tagpuan) na pinarangalan ng Jury Award for Film Acting Excellence habang Best Supporting Actor naman ang nakuha ni Zanjoe Marudo (Isa Pang Bahaghari).
Ang Gawad Tanglaw, o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw, ay binubuo ng mga kritikong pampelikula, iskolar, mga mananalaysay, at iilang miyembro ng akademiya na nagbibigay pagkilala sa mga natatanging programa at personalidad sa midya.