Nagsanib-pwersa sina Alexa Ilacad, Angela Ken, Anji Salvacion, Antenorcruz, FANA, iDolls, Janine Berdin, JM Yosures, JMKO, Jona, KD Estrada, Lara Maigue, Reiven Umali, at TNT Boys para sa napapanahong remake ng kantang “Pag-Isipan Mo Ang Boto Mo.”
Mapapanood na rin ang music video ng kanta tampok ang pinagsama-samang performances ng magagaling na Kapamilya singers simula ngayong araw (Marso 30), 7 pm sa ABS-CBN Star Music YouTube channel.
Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang nagprodyus ng mahalagang awitin na hango sa panulat ni Jamie Rivera na siya ring naglapat ng musika at unang umawit nito noong 2016.
Sinulat ng tinaguriang Inspirational Diva ang “Pag-Isipan Mo Ang Boto Mo” bilang paalala sa mga Pilipino lalo na ang mga botanteng kabataan na alamin ang mga plano at plataporma ng mga kandidato para sa halalan bago sila pumili ng kanilang iboboto.
Binigyang-diin din ng awitin ang pagpili ang mga kandidato na tunay na nagmamahal sa Pilipinas at hindi gagawa ng anumang bagay na ikakasama ng bansa ayon sa liriko nito na “Yung hindi niya sinasaktan ating inang bayan / Nagmamahal ng wagas sa bayang Pilipinas.”
Napapakinggan na ang all-star version ng “Pag-isipan Mo Ang Boto Mo” sa iba’t ibang digital platforms habang mapapanood ang music video nito sa ABS-CBN Star Music YouTube channel simula Miyerkules (Marso 30), 7 pm. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).