Nagbabalik ang OPM band na Jose Carlito sa bagong single nilang “At Kahit” na ini-release ng DNA Music ng ABS-CBN at napapakinggan na ngayon sa iba’t ibang digital music platforms.
Kaiba sa mga nauna nilang kanta, pinaghalong alternative rock at power ballad ang “At Kahit” na isang ‘anti-love song.’ Tinatalakay dito ang unconditional love sa pamamagitan ng paglalarawan sa mga downside ng isang relasyon.
Paliwanag ng banda, “Sinasabi sa kanta na hindi lang basta feeling ang pagmamahal kundi constant choice na makasama ang partner mo sa kabila ng ups and downs ng buhay.”
Isang alternative rock band ang Jose Carlito na kinabibilangan nina Jc Ford, Katsumi Kabe, Aj Ascona, at JZ Lorenzo. Bilang isa sa mga naunang banda ng DNA Music, hatid nila ang musika na nagbibigay ng modern twist sa mga ‘90s alternative rock and ‘70s blues na tunog.
Bago ang “At Kahit,” inilabas ng banda ang mga single nilang “Blangkong Imahe,” “Big White Wall,” at “My Generation.” Para sa iba pang detalye sa Jose Carlito, sundan ang @josecarlitoPH sa Facebook, Twitter, at Instagram.
Piliing makasama ang iyong minamahal palagi at pakinggan ang “At Kahit” ng Jose Carlito sa Spotify, Apple Music, at iba pang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang DNA Music sa Facebook (www.facebook.com/dnamusicph), Twitter at Instagram (@dnamusicph).