Pasok ang “Dear MOR” sa top 5 most popular podcasts ng Spotify Philippines. Patunay na dumadami ang mga Pinoy na nakikinig sa mga kwento ng buhay at pag-ibig sa pamamagitan ng podcast nito na napapakinggan na ngayon sa 79 na bansa.
Kasama ang host nitong si Popoy, napatunayan ng “Dear MOR: The Podcast” na patok ito hindi lang sa mga tagapakinig sa Pilipinas kundi pati na sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa ngayon, ito ang nangungunang podcast na ipinrodyus ng ABS-CBN na nasa ikatlong pwesto sa Most Popular Podcasts chart ng Spotify Philippines 2021 Wrapped at palagi ring nasa top 10 ng Apple Podcasts simula nang ilunsad ito noong May 2020.
Dalawa rin sa episodes nito, ang “Quarantine” (The Lemuel Story) at “True Love” (The Yvet Story), ang napasama sa Best Stories Podcasts of 2021 at Podcast Essentials editorial playlist ng Spotify Philippines.
Kahit masaya sa tagumpay ng drama anthology bilang podcast, inamin ni MOR Entertainment Digital Lead Eric Galang na hindi siya kumbinsido noong una na tatangkilikin ito kahit na paulit-ulit na itong sinasabi ng executive producer ng programa na si Macoy Marcos.
“Ang iniisip ko noon, ‘Spotify? Eh pang-sosyal ‘yan, eh. Ang jologs ng drama natin, masang-masa tayo,’” ani Eric, na tinawag ring ‘phenomenon’ ang tagumpay ng “Dear MOR: The Podcast.”
Malaki rin ang pasasalamat niya sa maliit na grupong nasa likod ng programa, na inalay aniya ang “dugo’s pawis” nila para magpatuloy ang “Dear MOR.” “Imagine sine-send namin sa kanila three scripts per week, so sarili nilang gamit sa bahay, sarili nilang diskarte paano sila magre-record, and they do it for the love of the program.”
Pero bukod sa mga tagumpay base sa numero, sinabi nina Eric at Macoy na pinakamagandang naging resulta ng “Dear MOR: The Podcast” ang feedback mula sa mga tagapakinig na tuwang-tuwa dahil naibalik ang “Dear MOR” bilang audio experience na minahal nila sa radyo.
“Sinasabi nila na sa wakas, makakapakinig na kami ng ‘Dear MOR,’ highlighting pakikinig kasi nga ‘Dear MOR’ is available on YouTube pero technically if you’re not a premium subscriber there hindi mo siya mapapakinggan habang may ginagawa kang ibang bagay,” paliwanag ni Macoy.
“Bumabalik lang siya doon sa fact na ‘Dear MOR’ at its core kasi is an audio experience na shina-share natin sa kanila at naibalik ng podcasting ‘yung experience na ‘yun—na okay I’m listening to the stories again,” dagdag niya.
Pakinggan ang iba’t ibang istorya ng pag-ibig at buhay sa “Dear MOR: The Podcast” sa Spotify, Apple Podcasts, Google Podcasts, Pocket Casts, TuneIn, at iba pang Podcast channels. Panoorin ang “Dear MOR” sa MOR Entertainment YouTube channel at Facebook page ng MORe Manila, MORe Luzon, MORe Visayas, at MORe Mindanao.