Nag-uwi ng 14 na parangal ang ABS-CBN Music sa 34th Awit Awards, kasama na ang Song of the Year at Most Streamed Song para sa hugot na kanta ni Moira Dela Torre na “Paubaya.”
Bukod sa mga award ng “Paubaya,” nakuha rin ni Moira ang Best Traditional/Contemporary Folk Recording para sa kanta niyang “Kita Na Kita” na isinulat at pinerform niya kasama ang asawa niyang si Jason Marvin Hernandez mula sa kanyang 2020 album na “Patawad” mula sa Star Music. Panalo rin ang Kapamilya singer-songwriter ng Best Song Written for Movie/TV/Stage Play for para sa theme song ng “24/7” na “Hanggang Sa Huli.”
Halos isang taon naman mula nang kanilang debut, nanalo ang P-pop boy group ng ABS-CBN na BGYO bilang People’s Voice Favorite Group Artist.
Kasama rin sa mga nanalo mula sa premier music label ng ABS-CBN ang mga kanta at artists ng HIMIG 11th Edition. Panalo ng Best Performance by A Male Artist si Sam Mangubat para sa interpretasyon niya ng “Kulang Ang Mundo”; Best Performance by A New Female Recording Artist si FANA para sa recording niya ng “Out”; at Best Engineered Recording si Tim Recla para sa “Marupok.” Best Rap/Hip-hop Recording naman ang single ni Arvey na “Umaga.”
Samantala, tinanggap ni Matty Juniosa ang Best Performance by A New Male Recording Artist para sa debut single niya mula Star Pop na “Sayaw Ng Mga Tala.” Si Bea C naman ang pinangalanang Best Child Recording Artist para sa “The Kokak Song.”
Wagi rin ang DNA Music ng dalawang award—Best Performance by A New Group ang “Outlaws” ng Nameless Kids, habang Best New Artist in a Collaboration sina KVN at JM Bales para sa hit song nilang “Magandang Dilag.”
Kinilala naman bilang Best Global Recording ang cross-cultural single ng Tarsier Records na “RISE” kung saan nagsanib-pwersa ang Grammy Award-winning artist na si Eric Bellinger, Filipino pop artists na sina Inigo Pascual at Sam Concepcion, label head at producer na si Moophs, Malaysian singer-songwriter na si Zee Avi, at composer ng “Black Swan” ng BTS na si Vince Nantes.
Ang Awit Awards ang longest-running music award giving body sa Pilipinas na pinangungunahan ng Philippine Association of the Record Industry (PARI) at kumikilala sa mga Filipino performing artist at sa mga taong nasa likod ng Filipino recorded music. Napanood nang live sa Facebook page at YouTube channel ng Awit Awards ang 34th awarding ceremony nito noong Nobyembre 29.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.