Isang malaking milestone para sa singer-songwriter na si Lian Kyla ang kanyang “Dream Maker” EP na nagbigay pagkakataon sa kanya para tuluyang buksan ang sarili sa pagiging musical artist.
Si Lian mismo ang nag-compose, nag-areglo, at nagprodyus ng low fidelity o lo-fi EP na merong anim na kanta. Alay niya ito sa sarili at sa music fans bilang reminder na ayos lang magpahinga paminsan-minsan.
“It’s about embracing the journey, celebrating where you are right now, and remembering that it’s ok to take a pause. That’s what ‘Dream Maker’ as an album means to me,” kwento ni Lian Kyla sa isang MYXclusive interview.
Kasama sa EP ang title track na “Dream Maker” pati na rin ang mga awiting “Flower Tea 2 (Remixed),” “By The Window,” “Moon Tides,” “In Amenor,” at “After Rain.” Inilabas ito sa ilalim ng Star Music.
Ibinahagi rin ng rising artist na ang mini album na binuo niya sa loob ng limang buwan ang nagsilbing daan para mawala ang pag-aalinlangan niya bilang artist at lumabas nang todo ang pagmamahal niya sa musika.
Aniya, “I’ve been challenging myself the past couple of months to write more songs, to learn more about music production, to write for other people also. That has really made me embrace music more.”
Bukod sa “Dream Maker EP,” inilabas din ng ABS-CBN Music artist kamakailan ang kanyang unang pop-rock single na pinamatang “Saya” na tungkol sa isang ‘happy crush.’ Kakalunsad lang din ng music video nito noong Lunes (Oktubre 11).
Patuloy si Lian sa pagpapakilala ng sarili niyang musika sa industriya. Narinig ang kanyang boses sa soundtrack ng “Walang Hanggang Paalam” kasama ni Erik Santos at siya rin ang umawit ng “’Yun Ka’ para naman sa “FPJ’s Ang Probinsyano.” Sumulat din siya ng mga awitin para sa P-pop groups na BGYO at BINI. Nasungkit niya ang nominasyon para sa Best Performance by a New Female Recording Artist at Best Christmas Recording para sa kanyang “Lian Kyla Christmas” EP sa 33rd Awit Awards.
Pakinggan ang “Dream Maker” EP at bagong single ni Lian na “Saya” na available na sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).