in

Angeline Quinto, may pa-’10Q’ sa fans sa bagong MET Theater

Mula sa pagiging next female pop superstar ng “Star Power” hanggang sa pagiging isang Power Diva, talaga namang malayo na ang narrating ni Angeline Quinto kaya naman isa siya ngayon sa mahahalaga at pinakabankable na music artist ng kanyang henerasyon.

Kaya naman bilang pagdiriwang ng kanyang ikasampung taon sa industriya, magsasagawa ng 10-part concert series ai Angeline na pinamagatang “10Q” sa new and improved MET Theater (dating Metropolitan Theater) simula Oct 29, 2021 hanggang February 19, 2022.

“Wala pong makakapigil sa akin na maghandog ng isang engrandeng concert experience at tuloy na tuloy po ang pagpapasalamat ko sa lahat ng sumuporta sakin simula’t sapul. Bagamat hinahamon tayo ng pandemya ay mayroon naman tayong streaming partners na magsasakatuparan pa rin ng selebrasyong ito,” sabi ni Angeline.

Si Angeline ang kauna-unahang music artist sa kasaysayan na magco-concert sa newly renovated at makasaysayan ring MET Theater.

“Sobrang saya ko po na nabigyan ako ng pagkakataong ito na unang maka-perform sa MET Theater. Dati nadaraanan lang naming yan ni mama Bob tapos sabi ko sa kanya, balang araw magpeperform ako diyan sa harap ng madaming tao,” pagbabalik-tanaw ni Angeline.
Talaga namang hindi bibiguin ni Angeline ang kanyang fans dahil hindi lang isa kung hindi sampung concert dates ang maari nilang pagpilian kung saan makakasama ng singer-actress ang mahigit sampu ring bigating celebrity guests niya.

Kilalang kontesera si Angeline bago siya sumikat noong 2011 matapos tanghaling grand winner ng “Star Power: Sharon’s Search for the Next Female Pop Superstar.” Bago manalo rito, naging finalist din siya ng “Star for a Night” kung saan kalaban niya sina Mark Bautista at Sarah Geronimo.

Simula noon, umarangkada na ang kanyang music career at pagdating ng 2012, sumabak si Angeline sa kanyang acting debut sa pelikulang “Born to Love You” katambal si Coco Martin. Matapos ang isang taon, bumida naman siya sa kanyang kauna-unahang primetime teleserye na “Kahit Konting Pagtingin” kung saan pinagaagawan siya ng kanyang leading men na sina Sam Milby at Paulo Avelino.

Binansagan din siyang Queen of Teleserye Theme Songs matapos niyang bigyang buhay ang theme songs ng ilan sa pinakamalalaking Kapamilya shows tulad ng awiting “Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin” mula sa teleseryeng “Minsan Lang Kita Iibigin,” “Pangarap na Bituin” mula sa “Princess and I,” “Sana Bukas Pa Ang Kahapon,” mula sa teleseryeng may parehong title, “Ikaw Lamang” mula sa “Ina, Kapatid, Anak,” at “Hanggang Kailan Kita Mamahalin” mula sa “The Legal Wives.”

Kinilala rin si Angeline ng kaliwa’t kanang award-giving bodied tulad ng PMPC Star Awards, Awit Awards, Catholic Mass Media Awards, Golden Screen Awards, Box Office Entertainment Awards, at ng Asia Pacific Luminare Awards.

Mabibili na ang tickets para sa “10Q” via www.ktx.ph. Ang single ticket ay nagkakahalaga ng P499 habang ang 10Q pass naman ay P3,499. Ang concert ay mapapanood sa Oct 29 td 30; Nov 26 at 27; Dec 25 at 26; Jan 28 at 29; at Feb 18 at 19, sa ilalim ng direksyon ni Dido Camara at Marvin Querido bilang musical producer.

Mapapanood ang “10Q” online exclusively sa KTX, iWantTFC, and TFC IPTV.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

‘Tale of the Nine Tailed,’ mapapanood na sa GMA Heart of Asia

Taal Survivors, wagi ng P2M sa season finale ng ‘Everybody, Sing!’