Dalawa sa pinakaaasam na pangarap ng viral Kapamilya singer na si Gigi de Lana ang matutupad sa pagpo-prodyus ng ABS-CBN Music ng kanyang debut album at pagkakaroon niya ng sariling digital concert na pangungunahan ng ABS-CBN Events.
Pagkatapos mag-viral kamakailan dahil sa cover niya ng “Bakit Nga Ba Mahal Kita,” mas maipapamalas pa ngayon ng RISE Artists Studio talent ang galing niya sa pagkanta sa pamamagitan ng kanyang nalalapit na full-length album.
“Nag-pursige kami ng The Gigi Vibes band na gumawa ng sariling songs. Dun kami nag-grow at dun kami nag-start, so meron po kaming ilalabas na album,” aniya, na sinabi ring ilalabas na ang una niyang single sa Setyembre 24.
Isang pasabog na “YouTube Music Night” concert din ang paghahandaan ni Gigi na mangyayari naman sa Disyembre.
“We are preparing for something big and ito inaareglo na ng banda kung ano ba ‘yung gagawin sa mga kanta, gagawa kami ng medley, maraming pakulo. May guests din pero secret pa,” patikim ni Gigi.
Makakasama rin siya sa Filipino music festival na “1MX Dubai” na gaganapin nang live sa Disyembre 3.
Unang nakilala ang ‘Rising Viral Star’ nang sumali siya sa unang season ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime,” kung saan isa siya sa mga naging grand finalist.
Nitong nagkaroon ng pandemya, sinimulan ni Gigi ang online live gig na “GG Vibes,” kung saan nagpe-perform siya ng mga cover kasama ang The Gigi Vibes band at tumatanggap din ng song requests mula sa mga manonood. Tuloy-tuloy ang pag-ani niya ng papuri habang umaabot sa libu-libo ang live viewers ng “GG Vibes” sa Facebook at YouTube.
Bukod sa pagkanta, sumabak na rin si Gigi sa pag-arte at napanood noong 2020 sa Star Cinema movie na “Four Sisters Before the Wedding.” Ngayong taon, opisyal na rin siyang naging Star Magic artist nang pumirma ng kontrata sa premier talent management arm ng ABS-CBN noong ‘Black Pen Day.’
Bago si Gigi, nauna nang nagtanghal sa “YouTube Music Night” noong Pebrero sina Jona, at sina Juris at Jed Madela.
Abangan ang mas pagkinang pa ni Gigi sa kanyang debut album at “YouTube Music Night” concert! Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.