Napapanahon ang paglunsad ni Ogie Alcasid ng kanyang bagong komposisyon na “Thank You, Pa” bilang regalo niya para sa lahat ng mga tatay ngayong darating na “Father’s Day.”
“This is a song that I wrote for my dad just in time for Father’s Day,” kwento ng multi-awarded artist, na isinulat ang kanta pagkatapos mamaalam ang kanyang pinakamamahal na ama na si Herminio Alcasid Sr. noong Setyembre ng nakaraang taon.
Hatid ng “Thank You, Pa” ang pasasalamat sa mga tatay na patuloy na naniniwala sa kanilang mga anak at sumusuporta sa kanilang mga pangarap. May mga linya rin ito tungkol sa pananabik sa mga padre de pamilya na namaalam na ngunit patuloy na sumusubaybay sa kanilang mga anak mula sa langit.
Si Ogie mismo ang nagprodyus ng kanta kasama si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo. Inarrange naman ito ni Bobby Velasco at inirelease ng Star Music.
Mula sa tagumpay ng kanyang “Kilabotitos: The Repeat” virtual concert kasama si Ian Veneracion, naglabas din si Ogie ng kanyang novelty song na “Maga Ako, Manas Ako” noong Enero tampok ang kanyang alter ego na sina Eydie Waw at The Wawettes. Napanood din siya kamakailan bilang juror sa kakatapos lang na “Your Face Sounds Familiar Season 3” at patuloy namang napapanood sa “ASAP Natin ‘To.”
Pakinggan ang “Thank You, Pa” ni Ogie sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).