Malalim ang hugot ni Jake Zyrus sa bago niyang love song mula sa ABS-CBN Music International na “Fix Me,” kung saan pakiramdam niya ay hindi siya sapat para sa mahal niya.
Maririnig sa kanta ang napakagandang tono ng boses ni Jake at hatid nito ang kwento ng isang tao na nahihirapang tumanggap ng pag-ibig. Sa kabila ng depresyon at kawalan ng tiwala sa sarili, ipinapaalala nito na lahat ng tao ay deserving sa pag-ibig.
Isinulat at kinompose ng Grammy-winning composer na si Kenneth Mackey, Swedish singer-songwriter na si Andreas Moss, at American record producer na si Joshua Bronleewe ang “Fix Me.”
Ipinrodyus naman ito ng Fil-Am music director na si Troy Laureta na kamakailan lang ay nakatrabaho ni Jake para sa kantang “Usahay” sa “KAIBIGAN: A Troy Laureta OPM Collective Vol. 1.”
Ito na ang pinakabagong kanta mula sa ABS-CBN Music International na may layuning ibida ang natatanging talento ng mga Pinoy sa musika sa buong mundo.
Noong nakaraang taon, ini-release din ni Jake ang isa pang makahulugang awitin na “Love Even If” na layuning ipalaganap ang kahalagahan ng pagmamahal sa mundo. Sinundan ito ng jazz-pop single niyang “Miss You in the Moonlight.”
‘Wag matakot umibig at pakinggan ang bagong single ni Jake na “Fix Me” sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detaye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).