Muli na namang kinilala ang dokumentaryong “Jake and Charice” sa pagkapanalo nito ng LGBTQ+ representation award sa non-scripted category ng MIPCOM Diversify TV Excellence Awards 2020.
“Thank you MIPCOM Diversify TV Excellence Awards for recognizing my story. Thank you to my TEAM for the support system, ABS-CBN, and most of all, NHK (Hiroko, Akiko, Ma’am Teresita & Yusaku) for believing in me and my story,” pasasalamat ni Jake sa Instagram.
Ang MIPCOM ay isang taunang television trade show sa Cannes, France na ipinakikilala ang sarili nito bilang pinakamalaking entertainment content market sa buong mundo. Ang mga award na ibinibigay nito sa Diversify TV Excellence Awards ay para maipakilala at ma-promote ang anumang anyo ng diversity at inclusion sa pandaigdigang industriya ng telebisyon.
Ang “Jake and Charice”—na mula sa produksyon ng Documentary Japan Inc. kasama ang ABS-CBN—ay umiikot sa pinagdaanang pagbabago ng singer na si Charice hanggang sa pagiging transman niya na si Jake Zyrus ngayon. Dinala rin nito ang mga manonood sa proseso ng paggawa niya ng pinakabagong album niya na “Evolution” mula sa Star Music.
Kamakailan lang, nanalo rin ang docu ng national award para sa Japan bilang Best Documentary Programme sa 2020 Asian Academy Creative Awards.
Nakatanggap din ito ng nominasyon sa Best Arts Programming category ng prestihiyosong 2020 International Emmy Awards na magdaraos ng seremonya sa New York City sa Nobyembre. Napanalunan din nito ang Gold Camera award sa social issues category ng 2020 US International Film and Video Festival.
Alamin pa ang matapang na istorya ni Jake sa pakikinig ng “Evolution” album niya at ng single niyang “Miss You in the Moonlight” sa iba’t ibang digital music streaming platforms.Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).