Bagong bersyon ng classic ABS-CBN Christmas song na “Star ng Pasko” ang handog ng young stars na sina Patrick Quiroz at Vivoree, hatid ang mensahe ng pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig sa nalalapit na selebrasyon ng Pasko.
Unang napakinggan ang kanta noong 2009 matapos hagupitin ng Bagyong Ondoy ang bansa, kaya siguradong mas tatagos sa puso ng mga tagapakinig ang kanta ngayong kinakaharap ng mundo ang COVID-19 pandemic.
Ang bersyon nina Patrick at Vivoree mula sa Star POP ay dala pa rin ang parehong mensahe na hindi matitinag ang mga Pilipino sa kabila ng mga pagsubok. Siyempre, nariyan pa rin ang paalala ng “Star ng Pasko” na ang kabutihan ay mas nangniningning sa pinakamadilim na bahagi ng buhay, lalo na sa gabay ng Diyos.
Si Star POP head Rox Santos ang nag-arrange ng rendisyon ng papausbong na tandem, habang si Tommy Katigbak naman ang nag-arrange nito at si Timothy Recla ang nag-mix and master.
Unang napansin ang tambalang PatVoree nang magsama sila sa patok na BL series ng Black Sheep na “Hello Stranger.” Simula noon, tumawid na rin ang kasikatan nila sa Pinoy livestreaming app na Kumu, at maraming fans din ang gumagawa ng content mula sa mga pinagsasamahan nilang proyekto.
Bago ang “Star ng Pasko,” naglabas ng EP si Vivoree kasama ang “Hashtags” member na si CK mula rin sa Star POP, pati na solo single. Si Patrick naman ay meron nang apat na EP simula pa noong 2018.
Samahan sina Patrick at Vivoree sa pagsalubong sa Christmas season at pakinggan ang bersyon nila ng “Star ng Pasko,” na mapapakinggan na sa Spotify, iTunes, Apple Music, Deezer, Amazon Music, at iba pang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star POP PH sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at Instagram (@starpopph).