Bubuhayin ni Jamie Rivera ang kakaibang pamaskong saya ng mga Pinoy sa gitna ng mga pagsubok sa bagong bersyon ng kanta niyang “Disyembre Na Naman” na ngayon ay may pamagat nang “Ber Months Na Naman” at mapapakinggan na sa Biyernes (Oktubre 9).
“‘Ber’ season na naman, oras na para maghanda para sa pinakahihintay na selebrasyon ng taon, ang Pasko,” ani Jamie.
Ang masayang awitin, kung saan binabanggit ang marami sa mga pamaskong tradisyon ng mga Pilipino gaya ng pagsasabit ng parol, pamamasko sa mga ninong at ninang, salu-salo sa Noche Buena, at simbang gabi, ay swak na panimula para sa Christmas season na karaniwang nagsisimula tuwing ‘Ber’ months sa Pilipinas.
Kahit na magiging kakaiba ang selebrasyon ngayong 2020 kumpara sa mga nakaraang taon, umaasa pa rin si Jamie na maipapakita ng kanta sa mga Pilipino kung ano ba talaga ang importante sa pagdiriwang ng Pasko.
“Maalala sana natin na ang regalo ng pag-ibig ay pareho pa rin at kahit na nasa new normal tayo, ang saya ng pagbibigayan ay nandito pa rin at hindi mawawala,” paliwanag ng Inspirational Diva.
Si Jamie ang nagsulat at nag-produce ng “Ber Months Na Naman,” habang si Denis Quila naman ang nagsulat ng musika at nag-arrange nito.
Kamakailan lang, naglabas din ang Star Music artist ng Tagalog version ng “Heal Our Land” na pinamagatang “Hilumin Mo, Bayan Ko.”
Abangan ang masayang selebrasyon ng Pasko at pakinggan ang “Ber Months Na Naman” ni Jamie sa iba’t ibang digital streaming services simula ngayong Biyernes (Oktubre 9). Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).