Kabilang ang premyadong mamamahayag na si Karen Davila at ang pinuno ng Dreamscape Entertainment na si Deo Endrinal sa mga tatanggap ng parangal sa 2020 Glory Awards.
Makakasama ng dalawang respetadong pangalan sa media mula sa ABS-CBN ang apat pang dating mag-aaral mula sa the University of the Philippines College of Mass Communication na kikilalanin para sa kanilang hindi pangkaraniwang kahusayan at tagumpay sa kanilang larangan.
Si Karen, na siyang napiling awardee sa broadcast journalism category, ay kasalukuyang anchor ng “Headstart” sa ABS-CBN News Channel (ANC), kung saan nakakapanayam niya ang mga personalidad na nasa balita tungkol sa mahahalagang isyu sa lipunan.
Nakilala rin siya sa kanyang ng matatapang na istorya sa dating investigative documentary program ng ABS-CBN na “The Correspondents” at kanyang pagsisilbing moderator sa presidential debates at sa World Economic Forum-East Asia Summit. Napabilang na rin si Karen sa TOYM (The Outstanding Young Men) at TOWNS (The Outstanding Women in the Nation’s Service), at itinanghal na Journalist of the Year ng Rotary Club of Manila noong 2004.
Sa larangan ng Television Arts naman pararangalan si Deo, na nasa likod ng maraming patok na progama sa Kapamilya network, kabilang ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” na nagdiwang kamakailan lang ng ika-limang taon.
Nagsimula bilang writer si Deo, na namuno sa produksyon ng mga hindi makakalimutang palabas tulad ng “The Buzz,” “Game Ka Na Ba?,””ASAP,” “Mula sa Puso,” “May Bukas Pa,” at “The General’s Daughter” sa kanyang tatlong dekada sa ABS-CBN. Siya rin ang nanguna sa pagpasok ng Dreamscape sa digital noong 2018 sa pamamagitan ng pelikulang “Glorious” na talaga namang pinagusapan. Patuloy niyang isinusulong ang online content sa mga bagong palabas tulad ng “Love Lockdown,” na ginawa sa gitna ng pandemya.
Ang Glory Awards ay isinasagawa ng UP College of Mass Communication (CMC) Alumni Association upang ipagdiwang ang buhay ng unang dean ng CMC na si Dr. Gloria Feliciano. Bukod kay Karen at Deo, nagwagi rin ngayong taon sina Rey de la Cruz (special education), Dr. Monina Movido-Escalada (development communication), Lutgardo Labad (arts and culture advocacy), at Criselda Yabes (literary journalism).
Para sa updates, i- follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.