Ngayong Huwebes (Agosto 6), ihahatid ng Reporter’s Notebook ang mga napapanahong kuwento ng pagsisikap ng mga guro at mag-aaral sa ngalan ng edukasyon.
Isang araw bago ang huling araw ng enrollment, tinungo ni Teacher Michelle at ng dalawa pang guro ng Pugo Primary School sa San Francisco, Quezon ang pinakamalayong sitio sa kanilang lugar. Mahalaga raw na marating nila ang mga estudyante para matiyak na makakapasok ang mga bata sa darating na pagbubukas ng klase. Dahil wala namang internet connection sa lugar, modular distance learning ang gagamitin nilang paraan ng pagtuturo. At dahil maputik ang daan, kinailangan nilang magyapak papunta sa pinakamalayong sitio.
Ilog at maputik na daan din ang kailangang bagtasin nina Teacher Omi Balawag para marating ang kanilang mga estudyante. Modular distance learning din ang gagamitin sa lugar. Pero ang pangamba ng mga guro, marami sa mga magulang ang hindi naman marunong magsulat at magbasa kaya baka mahirapan din sa pag-aaral ang mga bata sa bahay. Gayunman, handa raw silang tumulong sa mga magulang matuloy lang ang pag-aaral ng mga estudyante nila.
Mag-isa nang itinataguyod ng 64 taong gulang na si Lola Rosita ang kaniyang apat na apo matapos makulong ang kanilang ama at magkaroon naman ng ibang pamilya ang kanilang ina. Pananahi at pagtitinda ng basahan, face mask, at ukay-ukay ang pinagkukunan nila ng kabuhayan. Pero problema ngayon ni Lola Rosita kung paano matutustusan ang pag-aaral ng apat na apo. Online distance learning ang pinili niyang paraan ng pagtuturo para sa mga apo dahil ayaw niyang mapag-iwanan sila sa darating na pasukan. Iisa lang ang kanilang smartphone at problema pa ang pambili ng load para sa internet connection.
Araw-araw naman kung maglako ng kaniyang mga panindang meryenda ang incoming senior high school student na si Vincent Manlapaz. Nag-iipon kasi siya para makabili ng laptop na magagamit niya at ng kaniyang mga kapatid sa darating na pasukan. Honor student mula elementary hanggang high school si Vincent kaya lahat gagawin daw niya makatapos lang ng pag-aaral.
Abangan ang kanilang kuwento ng sakripisyo sa “Sa Ngalan Ng Edukasyon” ngayong Huwebes, August 6, sa mas pinaagang Reporter’s Notebook, 9:15 pm pagkatapos ng New Normal: Homework sa GMA News TV