Nakisabay ang buong bayan sa pag-usbong ng relasyon ng dalawang magkakambal na pinaghiwalay ng kahirapan at pagkayod ng dalawang magulang para sa pamilya sa Kapamilya teleseryeng “Sandugo” na nagsimula kahapon Lunes (Seytembre 30).
Nagtala ng national TV rating na 18% ang unang episode ng “Sandugo,” mas mataas ng halos pitong puntos sa kalabang programang “Dahil sa Pag-ibig” na nakakuha lang ng 11.1%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Sa pagsisimula ng kwento, dumanas na ng kahirapan ang pamilya ng magkakambal na Julius at Aris dahil sa pagpapagamot sa sakit ng puso ni Julius.
Dahil dito, lumaking uhaw sa atensyon si Aris mula sa kanilang mga magulang na sina Eugene (Ariel Rivera) at Joan (Cherry Pie Picache).
Habang inggitero at gustong umansenso ni Aris, masipag namang mag-aral at mabait si Julius kahit minsa’y tinutuksong lampa dahil sa kanyang karamdaman.
Magsisimulang magkahiwalay ng landas ang magkakambal dahil kakapit sa patalim si Joan, na ipapamigay si Aris sa ibang magulang, kapalit ng malaking halagang ipanggagamot kay Julius.
Dito, magsisimula na ang paglaki ng dalawa (Ejay Falcon at Aljur Abrenica) sa magkabilang panig ng batas nang hindi alam ang totoong pagkatao ng isa’t isa.
Tutukan ang kwento ng dalawang pamilya at kambal na pinaghiwalay ng tadhana tuwing hapon sa “Sandugo,” pagkatapos ng “Kadenang Ginto” sa ABS-CBN.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).