Nakipag-collab ang folk-pop artist na si Angela Ken sa “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” celebrity housemates na sina Anji Salvacion at Eian Rances para sa bagong labas na “It’s Okay Not To Be Okay” music video.
Si Angela at ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang sumulat ng kantang “It’s Okay Not To Be Okay” na hango sa trending question ng King of Talk na si Boy Abunda sa Bb. Pilipinas 2021 na “when is it okay not to be okay and when is it not okay to be okay?”
Dahil sa naging matinding usap-usapan online tungkol sa nasabing tanong, naengganyo si Tito Boy na iprodyus ang song collaboration kasama ang Star Music.
“It’s a song for those people na akala nila it’s not okay being not okay,” paliwanag ni Angela. “It’s a reminder na pwedeng umiyak, pwedeng sumama ang loob, at pwede ring mag-breakdown. Hindi naman ibig sabihin nito na nag-give up ka na.”
Naging masayang karanasan para kay Angela na makasama sina Anji at Eian sa music video. Aniya, “I got to work with one of my best friends in the industry, Anji, and met Eian for the first time in person. Ang chill lang ng shoot namin at everyone was having fun as well, kaya masaya po ako.”
Bago “It’s Okay Not To Be Okay,” inilabas ni Angela ang awiting “Ako Naman Muna,” ang matagumpay niyang debut single tungkol sa self-love na sa ngayon ay meron nang 28 million plays sa Spotify lamang.
Kabilang din ang Kapamilya artist sa grupong Squad Plus at nakatakdang magkaroon ng acting debut sa nalalapit na digital series na “Lyric and Beat.”
Panoorin ang “It’s Okay Not To Be Okay” music video na idinirek ni Mike Pelino sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Napapakinggan din ang kanta sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH). #AngelaKenIONTBOMV