Ipinaparamdam ng singer-composer na si Pippen ang emosyon ng isang taong malayo sa kanyang minamahal sa debut single niyang “Sabik” mula sa Star Music.
“I wrote ‘Sabik’ kasi na-experience ko siya mismo. Kami kasi nung girlfriend ko eh pinaglayo kami ng buong isang taon, as a condition para ituloy pa rin namin ‘yung relasyon namin kahit ayaw sa’kin ng pamilya niya,” kwento niya.
“Mahirap ‘yung pinagdaanan namin, parang na-experience namin ‘yung lockdown kahit hindi pa COVID, kaya naisulat ko rin ‘yung kanta,” dagdag ni Pippen na isa ring aktor at music teacher.
Dahil sa layunin nitong maiparamdam ang hirap na mawalay sa taong mahal mo, swak na kanta ang “Sabik” para sa mga malayo mula sa mga partner nila gaya na lang ng mga OFW na hindi kasama ang pamilya nila, mga magkasintahan na nagkakilala online, o mga naghahanap ng makakasama sa buhay.
Isinulat at ipinrodyus ng bagong Star Music artist ang awitin kasama ang manager at mentor niyang si Cesar Evangelista Buendia. Tumulong din sa produksyon at pag-arrange ng kanta ang TBear Music at LEBTelon Films habang si Tommy Katigbak naman ang nanguna sa guitar at bass tracks nito.
Bukod sa talento sa pagsusulat at pagprodyus ng kanta, marami ring instrumento ang kayang tugtugin ni Pippen. Para sa ibang detalye ng kanyang musika, sundan ang kanyang social media accounts sa Facebook, Twitter, at Instagram.
Damhin ang hirap ng magkalayong nagmamahalan sa debut single ni Pippen na “Sabik,” na napapakinggan na sa ABS-CBN Star Music YouTube channel at sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).