Kabilang na ngayon sa Star Pop family ng ABS-CBN ang visual at multimedia artist, singer, at songwriter na si Cesca na inilabas na rin kamakailan ang debut single niyang “Love Sick (Pagmahalasakit).”
Isang 19-anyos na multi-talented indie artist si Cesca na may nakakabighaning boses. Sa pagpasok niya sa industriya, kukuha siya ng inspirasyon sa mga pinagdadaanan at galing ng kanyang henerasyon para sa kanyang pagsusulat ng kanta na may pinagsamang Tagalog at English lyrics.
Isang indie pop song ang “Love Sick (Pagmahalasakit)” na isinulat niya at ipindrodyus ni Star Pop head Rox Santos tungkol sa emosyon ng isang tao na natatakot at tila hindi handa sa bagong pag-ibig.
“Kwento ng kanta ang takot na nararanasan sa pagpasok sa bagong relasyon, especially sa early stage kung saan wala pang basehan ang magiging kahihinatnan nito,” paliwanag niya.
Gamit ang iba pa niyang talento, ibinahagi rin ni Cesca sa TikTok kung paano niya dinisenyo ang cover ng single niya, kung saan makikita ang mukha niya na tila natatakpan ng mga bulaklak na siya mismo ang nag-drawing.
Samantala, kasalukuyan ding cover si Cesca ng Fresh Finds editorial playlist ng Spotify Philippines na nagtatampok ng mga bagong awitin ng mga papausbong na artists. Nakuha rin ng “Love Sick (Pagmahalasakit)” ang unang pwesto sa playlist.
Mas kilalanin pa si Cesca sa pakikinig ng kanyang debut single na “Love Sick (Pagmahalasakit)” sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).