Sumabak na sa live online selling ang “PBB Kumunity Season 10” adult housemates sa “The Big Online 10Dahan” para ipagpapatuloy ang 100 araw na fundraising activities ng “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan” campaign ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga sinalanta ng Bagyong Odette.
Noong Sabado (Enero 29), sinimulan ng “PBB Season 10” adult housemates ang pagbebenta ng mga produktong sila mismo ang gumawa at nagdisensyo tulad ng bracelet, necklace, T-shirt, at hoodie na mabibili sa @pbbkumuroom sa Kumu – app.kumu.ph/pbbkumuroom. Mapapanood sila tuwing 8 pm hanggang Pebrero 7 sa @pbbkumuroom sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC, at SKYcable HD ch. 955 at SD ch. 155.
Lahat ng kikitain nila ay mapupunta sa relief operations ng ABS-CBN Foundation na patuloy na naghahatid ng tulong sa Palawan, Visayas at Mindanao kung saan marami pa rin sa ating mga kababayang nawalan ng tirahan at hanapbuhay ang nahihirapan sa kanilang pagbangon.
Sa unang gabi pa lang, nakakakuha ng aabot sa 24 milyon diamonds sa Kumu ang “The Big Online 10Dahan” kasama ang Celebrity Kumunity Top 2 na sina Alyssa Valdez at Anji Salvacion at ang host at dati ring housemate na si Bianca Gonzalez.
“Isa po sa mga natutunan namin kay Kuya, we really can help. Tinuruan niya rin kami na makatulong hindi lang po sa ating mga housemates pero sa atin ding mga kababayan,” ani Alyssa, na nagrap at kumanta para aliwin ang mga nagdo-donate.
Masaya naman si Anji na maging bahagi ng programa lalo na at isa sa malubhang tinamaan ay ang Siargao kung saan siya lumaki at nakatira ang kanyang pamilya.
“Sobrang blessed po ako na even though nasa malayo ako I am very happy and reassured na they are okay. Although mahirap pero ramdam ko kakayanin talaga nila. Mga Siargaonon, bangon tayo.”
Tulad nila, mainit rin ang naging pagtanggap kina Alexa Ilacad, Madam Inutz, Maris Racal, Robi Domingo noong Linggo (Enero 30), kina Kobie Brown, Andi Abaya, Karen Bordador, Sky Quizon, at Richard Juan noong Lunes (Enero 31), at kina Albie Casino, Shanaia Gomez, Benedix Ramos, Brenda Mage, Vivoree Esclito, Kim Chiu, at Enchong Dee noong Martes (Pebrero 1). Nagpaabot din ng kanilang pagsuporta ang iba pang naging bahagi ng “PBB” tulad ng mga dating Big Winner na sina Melai Cantiveros, Slater Young, Jimboy Martin at Nene Tamayo.
Noong Enero 31, mayroon nang 154,190 na pamilya o 770,950 na Pilipino ang nahatiran ng pagkain at mga pangangailangan sa araw-araw ng ABS-CBN Foundation sa tulong ng mga donasyon. Sa kabuuan, umabot na sa P79,630,000 ang cash donation habang nagkakahalaga naman ng P15,908,000 ang in kind donations tulad ng bigas, de lata, tubig, hygiene kits, at kumot.
Maaari ring makatulong sa pag-avail ng Tulong Bag donation vouchers sa Lazada at Shopee na may katumbas na food pack (bigas at canned goods) para sa isang indibidwal o isang pamilya. Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa website ng ABS-CBN Foundation at sa Facebook, Twitter, at Instagram accounts nito. Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28,2022.