Hindi na mapipigilan si Zephanie sa kanyang pagningning bilang recording star sa paglabas ng kanyang self-titled debut album na pinangungunahan ng key track nito na “Magpakita Ka Na.”
Kabilang sa “Zephanie” album ang mga kantang inawit niya pagkatapos hiranging grand champion sa “Idol Philippines” taong 2019. Maririnig dito ang “Pangarap Kong Pangarap Mo,” na una niyang inawit sa nasabing ABS-CBN reality singing competition.
Ang pinakabago niyang pop ballad na “Magpakita Ka Na” mula sa komposisyon ni Miguel Mendoza III ay tungkol sa pagnanais makatagpo ng pag-ibig at pagiging handa na harapin ang pagsubok na kalakip nito.
Bukod sa mga solo bersyon niya, tampok rin sa album ng itinuturing na pop princess ng bagong henerasyon ang kolaborasyon niya kay Ebe Dancel para sa “Bawat Daan,” Jason Dy para sa “Tinadhana Sa’Yo,” at Jeremy G para sa “Pag-ibig Na Kaya.” Ilan pa sa kantang mapapakinggan dito ang “Pangako Ko,” “Isa Pang Araw,” at isa sa hit songs niya na “Sabihin Mo Na Lang Kasi.” Kabilang din sa album ang bersyon niya ng “Lapit” ni Yeng Constantino.
Kinilala bilang New Female Recording Artist of the Year sa 12th PMPC Star Awards for Music at Singer of the Year sa kauna-unahang kumu Livestreaming Awards, patuloy si Zephanie sa paggawa ng marka sa industriya ng musika dahil na rin sa kanyang powerful vocals. Natupad din ang pangarap niyang maging bahagi ng Himig 11th Edition bilang interpreter ng “Tinadhana Sa’Yo” ni SJ Gandia, na nagwagi bilang MOR’s Choice at TFC’s Global Choice awards. Naging bahagi rin siya ng boot camp ng global pop group na Now United sa Abu Dhabi.
Kasabay naman ng paglabas ng kanyang album ngayong Enero mula sa Star Music, nakamit din niya ang isa pang malaking milestone sa pagkakaroon ng mahigit 10 million all-time streams sa Spotify.
Pakinggan ang “Zephanie” album na available na ngayon sa iba’t ibang music streaming services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).