Nagbabalik ang F4 fever sa Pilipinas dahil dadalhin ng ABS-CBN sa Pinoy viewers ang “F4 Thailand: Boys Over Flowers” sa iWantTFC simula ngayong Sabado (Disyembre 18), 9:30 PM (Manila time), kasabay ng airing nito sa Thailand. Ipapalabas din ang serye sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z ngayong Linggo (Disyembre 19) ng 8:30 PM.
Tampok sa Thai adaptation ng sikat na Asianovela ang sikat na young Thai stars na sina Tu Tontawan, Nani Hirunkit, Dew Jirawat, Win Metawin, at Bright Vachirawit.
Susundan ng serye si Gorya (Tu), isang masipag na dalagang nagmula sa isang simpleng pamilya at makakapasok sa isang prestihiyosong paaralan. Dito niya makikilala ang naggagwapuhang mga miyembro ng grupong F4 na kinabibilangan sina Thyme (Bright), Ren (Dew), Kavin (Win), at MJ (Nani).
Bukod sa pagiging mayaman at maimpluwensiya, kilala rin sa pambu-bully ang F4 kaya’t kinatatakutan sila ng mga estudyante. Si Gorya naman ang magiging bagong target ng F4 ngunit harap-harapan niyang ipapahiya ang lider na si Thyme at papalag sa mga pananakot nito. Dahil sa tapang na ipapakita ni Gorya, ang nag-iisang taong pumalag sa F4, unti-unting magkakagusto si Thyme sa kanya.
Susubukan ni Thyme na ligawan si Gorya ngunit mauuwi sa love triangle ang kanilang kwento dahil magkakagusto rin sa isa’t isa sina Gorya at Ren. Magtatalo ang puso ni Gorya para kina Thyme at Ren kaya mas magiging kumplikado ang kanilang pagkakaibigan, at maging ang kani-kanilang mga pamilya ay mangingialam sa relasyon nila.
Base sa classic Japanese manga na “Hana Yori Dango,” ang “F4 Thailand: Boys Over Flowers” ang pinakabagong Thai series na napapanood sa Pilipinas bilang bahagi ng kasunduan ng ABS-CBN sa Thai content company na GMMTV. ABS-CBN din ang nagdala sa bansa ng orihinal na “Meteor Garden” mula sa Taiwan, ang 2018 Chinese remake nito, pati na rin ang “Boys Over Flowers” mula sa South Korea.
Mapapanood sa Pilipinas nang libre ang “F4 Thailand: Boys Over Flowers”” sa iWantTFC app at website (iwanttfc.com) ngayong Sabado (Disyembre 18) ng 9:30 PM. Ipapalabas din ito sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, at A2Z ngayong Linggo (Disyembre 19), 8:30 PM.