Iba’t ibang emosyon na kumakatawan sa kanyang musical journey ang mararamdaman sa debut EP ng singer-songwriter na si KVN na “Night Drives.”
Gusto ng dating cruise ship singer na ipakita ang masayahin at sensitive side niya sa proyekto na may temang light at meron ding nagpapaalala ng mga tunog retro. Swak itong pakinggan tuwing bumibiyahe o nagda-drive, kaya naman “Night Drives” ang titulo nito.
“I’m from Laguna so talagang two to three hours travel whenever I record a song. It’s a good playlist while you’re driving especially kapag gabi with all the city lights. So sana pakinggan niyo habang nagd-drive kayo,” paliwanag ni KVN sa isang MYXclusive interview.
Hindi rin daw siya makapaniwala na nai-release na ang nine-track album mula sa Old School Records ng ABS-CBN, kung saan ilan sa mga kanta ay isinulat niya mag-isa o kasama ang label head na si KIKX Salazar.
“Sobrang surreal, hindi ko pa rin mapaniwalaan na meron akong EP. Kasi nung bata pa ako, hindi ko naman naisip na makakapagsulat ako ng mga song,” aniya.
Bukod sa mga nauna nang ini-release na single na “Komplikado,” “Bat Tayo Tanga,” “Magandang Dilag – Cursebox Remix,” at “Pwede Na Ba,” kasama rin sa EP ang mga kantang “Mekaniko Ng Puso,” “Sa ‘king Pagbabalik,” “His Love Song,” “Laging Nandito Ka,” at “Ako’y Sa Yo (Ben X Jim OST)”.
Matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, nag-viral ang kanta ni KVN kasama si JM Bales na “Magandang Dilag” noong 2020 Miss Universe Philippines competition. Isa na siya ngayon sa papausbong na artists ng Old School Records, isang ABS-CBN Music label na ibinibida ang tunog ng ‘70s, ‘80s, o ‘90s na may modernong tunog.
Magpasama kay KVN sa iyong “Night Drives” at pakinggan ang kanyang bagong EP sa iba’t ibang digital music streaming services. Para sa iba pang detalye, sundan ang Old School Records sa Facebook, Twitter, and Instagram.