Mapapakinggan na ang debut EP ng bandang “Nameless Kids” na pinamagatang “Shoes Out The Door!,” kung saan tampok ang anim na original songs na isinulat at ipinrodyus ng mga miyembro ng banda.
Ang titulong “Shoes Out The Door!” ay hango sa nakagawian ng banda na pag-iiwan ng sapatos sa labas ng pinto ng studio ni Nhiko, na simbolo raw para sa kanila ng pagiging “on air” o “in the zone” bilang mga musikero at banda.
Sa isang MYXclusive interview, ikinuwento ng indie pop band ang naging proseso nila sa paggawa ng tinuturing nilang ‘unang baby’ na natapos nila halos isang taon na ang nakaraan.
“Sobrang happy kami kasi nga we consider this EP as our first baby as a band. I think with everyone naman, putting out your first is always the best feeling, like debuting ‘yung brainchild mo. To us it signifies the first actual milestone that we had as a band,” kwento ng keyboardist at bokalista ng grupo na si Nhiko Sabiniano.
Bida sa mini album na inilabas ng DNA Music ang key track na “Habits,” tungkol sa pagputol ng toxic na cycle ng isang relasyon. Ilan pa sa mga bagong kanta ang “’Til Love Means Love” na sinasabing subjective ang pag-ibig, at “Faded,” na tungkol sa pagkahulog sa ideya ng isang tao at hindi sa kung sino talaga ito.
Kasama rin sa EP ang mga nauna nang nailabas na kanta na “Outlaws,” “Wanna Know Me,” at “Midsummer High.”
Bukod kay Nhiko, binubuo ang Nameless Kids nina Kyle Perry (guitar), Kim Allen (guitar), Tati De Mesa (bass), at Imay Alconaba (drums). Noong MYX Awards 2021, pinerform ng banda ang single nilang “Outlaws,” at nakatakda rin silang mag-headline sa September 28 (Martes) episode ng “The Music Room” series ng ABS-CBN Music, ABS-CBN Events, at One Music PH.
Pakinggan ang debut EP ng Nameless Kids na “Shoes Out The Door!” sa iba’t ibang digital music platforms at panoorin ang “Habits” music video sa DNA Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, sundan ang DNA Music sa Facebook (www.facebook.com/dnamusicph), Twitter at Instagram (@dnamusicph).