Bagong era ng pagiging musikero niya ang ibinida ni Kyle Echarri sa pangalawang full-length album niya na “New Views,” na napapakinggan na sa iba’t ibang digital music platforms.
“‘New Views’ dahil mage-18 na ako at tingin ko time na para makita ng mga tao ‘yung new views ko sa buhay, bilang isang tao, at new views ko sa love life,” aniya.
Ibang-iba sa debut album niya noong 2016 ang “New Views” mula sa Star Pop label ng ABS-CBN dahil lahat ng 7 original tracks dito ay isinulat at kinompose mismo ni Kyle, at producer din siya ng halos lahat ng kanta rito. Ang label head na si Rox Santos naman ang nagsilbing supervising producer ng album.
Ayon kay Kyle, mismong puso na niya ang ibinigay niya para sa album. “Kasi I was able to write the whole thing and produce the whole thing. Sinadya ko talaga kasi I really wanted the fans to feel my heart.”
Ang key track nitong “Liligawan Na Kita” ay isinulat ni Kyle kasama ang co-stars niya sa “Huwag Kang Mangamba” na sina Seth Fedelin at Andrea Brillantes. Siya rin ang nag-prodyus ng kanta na inawit niya kasama si Seth na tungkol sa paghihintay at panliligaw sa isang espesyal na babae.
Kasama rin sa album ang 2020 single niyang “I’m Serious” pati na rin ang “Dyosa” na ipinrodyus ni JayR. Ang iba pang mga kanta na “Mahal Nga Kita” kasama ang rapper na si Arvey, “Panaginip,” na naririnig ngayon sa original soundtrack (OST) ng anthology series na “Click, Like, Share,” “As Long As You’re Mine,” at “Fuego,” na isinulat niya kasama ang malapit na kaibigang si Darren Espanto—ay ipinrodyus lahat ni Kyle.
Samantala, magkakaroon ng digital birthday fan con si Kyle bilang pagdiriwang ng 18th birthday niya at pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanya sa anim na taon niya sa showbiz. Gaganapin ito ngayong Linggo (June 20), 7 pm sa kanyang kumu account (@echarripapi), kung saan ipe-perform niya ng live ang mga kanta sa “New Views” album niya.
Pakinggan ang pinakabagong album ni Kyle na “New Views” sa Spotify, Apple Music, Deezer, at iba pang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).