Balik-‘90s ang dating “Tawag ng Tanghalan” finalist na si Sof Vasquez sa debut single niyang “Bakit Hindi Ko Sinabi” mula sa Old School Records.
Ang American R&B/soul icon na si James Ingram ang inspirasyon ng composer ng kanta na si KIKX Salazar, kaya naman ramdam sa kanta ang tunog ng ‘90s ballads. Para rin ito sa ‘the one that got away’ kaya sadyang punong-puno ng emosyon.
Bago ang kanta niyang “Bakit Hindi Ko Sinabi,” nanalo ng 3rd place si Sof sa “TNT All-Star Grand Resbak” noong 2019 at naging grand finalist din sa second season ng “Tawag ng Tanghalan” noong 2018.
Sa ngayon, active siya bilang streamer sa Filipino community livestreaming platform na kumu, kung saan nanalo na siya sa ilang campaigns gaya ng pagiging kauna-unahang Metro Man cover star.
Kasama ni Sof ang ilan pang up-and-coming artists gaya nina KVN, Chloe, RJZON, at KHIMO na naglabas na rin ng mga orihinal na kanta mula sa Old School Records, isang ABS-CBN Music label na layuning ibida ang musika na may tunog ‘70s, ‘80s, o ‘90s pero may modern twist.
Pakinggan ang debut single ni Sof na “Bakit Hindi Ko Sinabi” sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Old School Records sa Facebook, Twitter, at Instagram.