Hindi lang mga bagong kanta ang bumibida sa OPM fans sa 11th edition ng Himig kundi pati na rin ang mga up-and-coming artists na handa nang ipamalas ang pagmamahal nila sa musika pati na rin ang pagkatupad ng mga pangarap nila.
Ano nga ba ang kahalagahan ng pagsali sa kompetisyon para sa limang first-time interpreters sa Himig 11th edition?
“Nagulat po ako, actually pinagp-pray ko po talaga na maging interpreter,” ani Zephanie nang inalala kung ano ang reaksyon niya nang malamang siya ang magiging interpreter ng “Tinadhana Sa’Yo” ni SJ Gandia. Ayon sa “Idol Philippines” champion, mabilis niyang natutunan ang kanta na aniya’y “sad but hopeful” at hindi na rin siya makapaghintay na ma-perform ito nang live.
Ang TikTok Philippines’ Music Creator of 2020 na si JMKO naman, kinailangan pang tanungin ng dalawang beses kung para sa Himig talaga ang ii-interpret niyang kanta, dahil nasa bucket list niya raw ito bilang Star Music artist. Mas ispesyal din ang oportunidad para kay JMKO dahil ang college friend niyang si Mariah Moriones ang nagsulat ng “Tabi-Tabi Po” na pinili siya bilang interpreter dahil sa “malambing” niyang boses at abilidad na maipahatid ang mensahe ng kanta.
Hindi naman daw napilitang mapasigaw at mapatili ang composers at band members ng Kiss ‘N Tell na sina Joshua Ortiz at Aniceto Cabahug III nang malaman nilang finalist na sa Himig 11th edition ang “Pahina.” “Napaos ako kakasigaw,” ani Joshua, habang si Aniceto, “Tumitili-tili pa nga ako eh!” ‘Struggling artists’ daw talaga sila ayon sa band vocalist na si Jarea, kaya sumugal sila na i-interpret ang sarili nilang kanta para mas maraming makakilala sa banda.
Si ZILD na isa ring singer-songwriter, naintindihan daw agad ang gustong iparating ng composer ng “Ibang Planeta” na si Dan Tañedo na ginamit niya sa interpretasyon niya ng kanta. Aniya, naging madali ang proseso para sa kanya dahil “hinayaan lang nila ako,” na nagustuhan din naman nina Dan at ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo.
Sobrang “thankful and overwhelmed” naman daw ang “Idol PH” finalist na si FANA nang matupad ang pangarap niyang maging Himig interpreter sa 11th edition ng kompetisyon gamit ang “Out” ni Erica Sabalboro. Inamin din niya na naka-relate siya sa kanta dahil napagdaanan niya noon ang ma-bully. Ani FANA, “Na-bully po ako nung bata ako, may time na parang gusto ko lang umalis, mag-isa, ayoko ng kausap. Ang ginawa ko po ay shinare ko siya sa isa kong friend, and iba po talaga ‘pag may napagsh-share-an ka ng feelings.”
Pakinggan ang mga kantang in-interpret nina Zephanie, JMKO, Kiss ‘N Tell, ZILD, FANA, at ang iba pang #Himig11thEdition tracks sa Spotify at iba’t ibang digital music streaming services. Mapapanood na rin ang music videos ng mga kanta sa Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, sundan ang https://www.facebook.com/Himig2020 on Facebook.