Ipapasilip na ni Nadine Lustre ang nilalaman ng kanyang isip at puso sa pinakahihintay na bagong album niyang “Wildest Dreams” na mapapanood na ngayong Sabado (Oktubre 31), 9 PM sa YouTube channels ng ABS-CBN Entertainment at Careless.
Tampok sa 30 minutong pelikula ang 12 na bagong awitin mula kay Nadine at ang pinagtahi-tahing anim na music videos na inilalarawan ang pinagdaanan niya para kilalanin at mahalin ang sarili.
Bagong experience ang hatid ng bagong album ni Nadine lalo pa’t tampok sa mga kanta rito ang mga kakaibang tunog gaya ng recordings ng mga beach at bundok sa Pilipinas at mga katutubong instrumento.
Kasama rin sa album ang lead single nitong “Wildest Dreams,” na ngayon ay nakapagtala na ng 357,000 views sa YouTube at higit sa 256,000 streams sa Spotify.
Ayon kay Nadine, excited na siyang mapakinggan ng fans ang self-love anthem na “Natural” at ang “Save A Place,” na nilalaman ang mensahe niya para sa kanyang namayapang kapatid. Kasama sa album ang mga kantang “Dance with Danger,” “Ivory,” “Seconds,” “Intoxicated,” “Complicated Love,” “You Can Stay,” “Glow,” “White Rabbit,” at “Grey Skies.”
Ang “Wildest Dreams” visual album ay idinirek ni Dominic Bekaert ng Zoopraxi Studio.
Panoorin ang exclusive premiere nito sa YouTube channels ng ABS-CN Entertainment (youtube.com/ABSCBNentertainment) at Careless (youtube.com/CarelessMusicManila) ngayong Sabado (Oktubre 31), 9PM.