Maaga ang pagsapit ng Pasko para kay Romy Manzano, ang viral na tatay na walong oras na nagbisikleta mula Parañaque patungong Maynila, dahil bibigyan sila ni Bernadette Sembrano ng mga grocery at bisikleta sa “Tao Po” ngayong Linggo (Disyembre 10).
Nagbisikleta ang 63-anyos na tatay mula sa kanyang tahanan patungo sa isang charity institution sa Maynila kasama ang kanyang dalawang anak na sina Jesrome at Joshua. Bumuhos ang mga donasyon para kay Tatay Romy matapos mag-viral ang kanilang mga larawan. Malalaman ni Bernadette ang kanilang kwento na magbibigay inspirasyon sa mga manonood.
Makikipag-ugnayan muli ang Kapamilya reporter na si Sherrie Ann Torres sa matalik na kaibigan at dating mamamahayag na si Andrea Trinidad, na na-diagnose ng sakit na Hemophilia. Ikukwento ni Andrea ang tungkol sa pamumuhay niya at ang kanyang anak bilang bleeders, maging pagkawala ng mga kaibigan at pamilya dahil sa sakit.
Idedetalye niya kung paano niya natagpuan ang kanyang layunin sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga taong may kaparehong sakit at pagtatatag ng organisasyon na tumutulong sa bleeders sa kanilang mga medikal na pangangailangan.
Samantala, titikman naman ni Kabayan Noli De Castro ang mga kakaibang pagkain tulad ng chichaworm, prinitong kuliglig at palaka. Itatampok niya si Aiko Litao, dating saleslady-turned-entrepreneur, na magkukuwento kung paano lumago at umunlad ang kanyang kakaibang food business.
Huwag palampasin ang mga kapana-panabik na kuwento na ito ngayong Linggo (Disyembre 10) sa “Tao Po” tuwing 2:15 ng hapon sa A2Z at 6:15 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at ABS-CBN News Online.