Ipapamalas ng dating child star na si Raikko Mateo, na kilala sa pagganap ng titular role sa ABS-CBN series na “Honesto,” ang kanyang motorbike racing skills sa “Tao Po” ngayong Linggo (Oktubre 1).
Malalaman ng reporter ng ABS-CBN na si Champ De Lunas kung paano balansehin ni Raikko ang kanyang ang kanyang karera sa showbiz, ang pag-aaral, at mga libangan na basketball at motorbike racing. Ibabahagi rin ng teen actor kung paano niya isinabuhay ang kanyang on-screen persona na “Honesto” sa kanyang young adult life.
Samantala, makikilala ni Bernadette Sembrano si Aubrey Dimalibot, na ibinahagi kung paano siya huminto sa pag-aaral ilang taon na ang nakalilipas upang suportahan ang kanyang pamilya.
Sa tulong ng programa ng Insphero, na tumutulong sa mga bata na makabalik sa pag-aaral, natapos ni Aubrey ang kanyang kurso sa management, at ngayon ay nag-aaral na ng law. Bilang isang paraan ng pagbabalik, nagboluntaryo siya sa isang grupo upang turuan ang mga bata sa lalawigan ng Rizal.
Itatampok rin ni Kabayan Noli De Castro ang tindero na si Michael “MJ” Osorio, na naglalako ng kanyang mga paninda nang naka-full make-up, prom gown, at high heels, sa kanyang sariling runway sa lansangan ng Laguna. Ibabahagi ni MJ kung paano niya naging diskarte ang magarbong pananamit upang makabenta siya ng mga paninda at upang makakuha ng mga suki.