Tinutukan at pinag-usapan ng sambayanang Pilipino ang pambansang pagtatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” matapos itong magtala ng all-time high record na 536,543 live concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube noong Agosto 12.
Halo-halong emosyon ang naramdaman ng mga manonood sa pamamaalam ng minahal nilang karakter ni Coco Martin na si Cardo Dalisay. Kaya naman dinomina ng finale episode ang trending topics sa Twitter kabilang na rito ang #FPJAP7MissionAccomplished, #FPJsAngProbinsyano, Coco Martin, Susan Roces, Cardo, Julia Montes, Lola Flora, Onyok, John Arcilla, Angel Aquino, Agila, at Hipolito.
Makapigil-hininga ang halos dalawang oras na finale episode, kung saan sinakripisyo ng Task Force Agila ang kanilang buhay upang wakasan na ang kasakiman nina Renato (John Arcilla) at Lucio (Raymond Bagatsing). Si Cardo lamang ang nanatiling buhay, kasama si Presidente Oscar (Rowell Santiago), kaya naman pinarangalan si Cardo para sa kanyang katapangan.
Naging madamdamin din ang mga eksena dahil sa pagbibigay-pugay kay Susan Roces, na gumanap bilang Lola Flora. Nagbalik-probinsya naman si Cardo upang makapiling ang kanyang pamilya. Nakakakilig din ang pagtatapos dahil nagpakasal na sina Oscar at Aurora (Sharon Cuneta), at muling nagtagpo sina Cardo at ang kanyang “huling pag-ibig” na si Mara (Julia Montes).
Pinasalamatan ni Coco ang buong “FPJAP” team at ang kanilang mga taga-suporta sa pagtutok nila sa serye sa loob ng halos pitong taon.
“Gusto kong magpasalamat kay tita Susan kasi sa kanya po nagsimula ang lahat ng ito dahil pinayagan niya kaming gawin ‘yung proyekto. Salamat po kay FPJ kasi siya po ang naging inspirasyon naming lahat,” sabi ni Coco sa thanksgiving celebration kasama ang kanyang co-stars sa “ASAP Natin ‘To” noong Linggo (Agosto 14).
Dagdag pa niya, “Ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano,’ alam namin na may purpose kami na kahit papaano, kahit sa sandaling oras ay mapaligaya namin ang mga manonood at mabigyan ng pag-asa. Ginagawa po namin ‘to para sa lahat ng Pilipino, kaya maraming, maraming salamat sa pitong taon na pagsama niyo.”
Samantala, pinag-usapan sa social media ang pagtutok ng mga Pilipino sa finale sa iba’t ibang parte ng bansa. Sa Tubod, Lanao del Norte, daan-daang katao ang dumalo sa live viewing party na inorganisa ng local government. May sariling viewing party din sa Mindoro, at nagtipon-tipon din ang ilang mga tricycle driver sa Bulacan.
Nag-viral din ang Facebook post ni Jan Gutierrez matapos niyang bigyan ng ‘certificate of completion’ ang kanyang ama sa pagtutok nito sa lahat ng episodes ng serye. Bukod dito, trending ulit ang die-hard fan na si Lola Teresita dahil masaya siya sa naging ending ng serye.
Para pasalamatan ang lahat ng kanilang taga-suporta, sinimulan na ng cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang kanilang “Pasasalamat Tour” noong Agosto 14 sa Vista Mall Taguig, kung saan dinagsa ito ng libo-libong tao. Bibisitahin din nila ang mga Pilipino sa Bulacan (Agosto 19), Cebu (Agosto 20), at Iloilo (Agosto 21), pati na rin sa Amerika sa Setyembre.