Nanalo ang ABS-CBN ng dalawang parangal sa 2022 Gold Quill Awards ng International Association of Business Communicators para sa kanilang mga programa para sa kanilang empleyado, kasama ang kauna-unahang “Kapamilya Himig Handog” employee songwriting competition.
Nagbunga ang “Kapamilya Himig Handog” ng limang bagong kanta na nakapaloob sa OPM Fresh Songwriters Series Vol. 1 EP na napapakinggan na sa iba’t ibang platform tulad ng Amazon Music, Apple Music, at Spotify. Meron na ring pinagsamang 70,000 views ang lyric videos nito sa YouTube.
Pinuri ang “Kapamilya Himig Handog” ng mga evaluator ng Gold Quill sa matagumpay nitong pagtupad sa layunin nitong mag-diskubre ng mga bagong manunulat ng kanta mula sa mga empleyado mismo ng ABS-CBN, at bigyan sila ng pagkakataong maipakinig sa mundo ang kanilang musika.
Panalo ang patimpalak na ito, na hango sa kilalang nationwide songwriting contest na “Himig Handog,” sa primerong awards program ng IABC, kung saan nagwagi rin ng ang COVID-19 awareness campaign ng ABS-CBN para sa Kapamilya employees.
Samantala, makatulong sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa organisasyon naman ang hangarin ng “Act As If You Have the Virus” campaign ng ABS-CBN, na kinilala naman sa mahusay na pagpapaalala sa mga empleyado na sumunod sa safety protocols at mag-ingat sa panahon ng pandemya.
Ginanap sa New York City, USA noong Hunyo 28 ang 2022 Gold Quill Awards, na apat na dekada nang nagbibigay ng pagkilala sa kahusayan sa komunikasyon sa buong mundo. Umabot sa 406 entries mula sa 16 na bansa ang kasali ngayong taon, kung saan 125 lamang ang tatanggap ng parangal.
Nakuha ng ABS-CBN ang dalawa sa pitong Gold Quill Awards na napanalunan ng Pilipinas ngayong taon. Bago ang mga ito, nagwagi na rin ang ABS-CBN sa Gold Quill Awards para sa Sagip Pelikula film restoration project (2019), “Wow at Saya” audience experience program (2018), at election advocacy campaign “Boto Mo, i-Patrol Mo” (2011).