Kaya mo pa bang mahalin ang asawa mo kapag nalaman mong baka isa siyang mamamatay-tao?
Masusubukan ang pagmamahal at prinsipyo nina Lovi Poe at Piolo Pascual sa Philippine adaptation ng “Flower of Evil,” isang sikat na South Korean thriller drama. Isa itong Viu original adaptation na mapapanood sa Viu ngayong Hunyo 23 at 24, at sa Kapamilya Channel at A2Z sa Hunyo 25 at 26.
Sinusundan ng kwento ang buhay ng mag-asawang Jacob at Iris (Piolo at Lovi). Umiikot ang buhay nila sa anak nilang si Luna (Sienna Stevens), habang si Jacob ay isang metal craftsman at si Iris naman ay isang maprinsipyong police detective.
Walang kamalay-kamalay si Iris na may itinatago pa lang masalimuot na nakaraan si Jacob. Ilang taon na kasing inililihim ni Jacob ang kanyang totoong pagkatao dahil siya talaga ang misteryosong si Daniel Villareal.
Si Daniel ay may antisocial personality disorder at 17 taon nang wanted ng pulis dahil sa pagpatay sa isang barangay captain. Siya rin ang nag-iisang anak ni Abel (Gardo Versoza), isang kilalang serial killer na nag-suicide.
Mayayanig ang mundo nila nang mapunta kay Iris ang imbestigasyon ng isang serial murder case na hindi pa nalulutas at maaaring konektado kay Daniel. Gagawin ni Iris ang lahat upang maresolba ang kaso, habang hindi niya alam na may posibilidad na isang mamamatay-tao ang pinakamamahal niyang asawa.
Anong gagawin ni Iris kapag nalaman niya ang totoong pagkatao ni Jacob? Ano-ano pang mga sikreto ang itinatago ni Jacob?
Ito ang unang pagtatambal nina Piolo at Lovi, at ito rin ang unang Kapamilya drama series ni Lovi. Kasama rin sa cast sina JC de Vera, Agot Isidro, Denise Laurel, Joem Bascon, Epy Quizon, Rita Avila, Jett Pangan, Pinky Amador, Joross Gamboa, Joko Diaz, at Edu Manzano, at idinerehe ito nina Darnel Villaflor at Richard Arellano.
Ang “Flower of Evil” ang kauna-unahang Viu original adaptation mula sa Pilipinas at mapapanood ito sa 16 markets – Philippines, Hong Kong, Singapore, Thailand, United Arab Emirates, Bahrain, Egypt, Indonesia, Jordan, Kuwait, Malaysia, Oman, Qatar, Saudi Arabia, Myanmar, at South Africa – 48 oras bago ipalabas sa telebisyon sa Pilipinas.
Subaybayan ang “Flower of Evil” sa Viu ngayong Hunyo 23 at 24, at sa Kapamilya Channel at A2Z sa Hunyo 25 at 26. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.