Isang kidnapping ang magtatagpo sa mga nalulumbay na mga puso nina KD Estrada at Alexa Ilacad sa “Run to Me,” ang kauna-unahang seryeng pinagbibihadan ng breakout love team na mapapanood na sa Kumu sa Mayo 20 at ipapalabas din nang libre sa Pilipinas sa iWantTFC sa Mayo 21.
Tampok dito sina Jewel at Wilson (Alexa at KD), dalawang streamer na sobrang magkaiba ang pamumuhay. Si Jewel ay isang mayaman at sikat na online streamer na kilalang-kilala sa kanyang talentong magmake-up habang kumakanta. Sa kabila nito, hindi pa rin masaya si Jewel dahil pakiramdam niyang naisasantabi siya ng kanyang inang si Emerald (Mickey Ferriols) at lahat ng pagmamahal at atensyon ay napupunta lang sa kapatid niyang si Diamond (Sean Tristan).
Si Wilson naman ay halos walang followers sa kanyang social media accounts pero patuloy na nagsusumikap at tumatanggap ng iba’t ibang raket para maipagamot ang nanay niyang si Mami Bebot (Nikki Valdez) na may sakit na leukemia. Sa kabila ng kanilang paghihirap, laging nilang ipinaparamdam na mahal nila ang isa’t isa.
Magku-krus ang landas nina Jewel at Wilson nang sagipin nito ang dalaga mula sa isang grupo ng kidnappers. Ngunit magagalit si Jewel kay Wilson dahil plinano niya lang pala ang pagdakip sa kanya para magpapansin sa nanay niya.
Makukumbinse naman ni Jewel si Wilson na maging pekeng kidnapper na lang niya. Dadalhin ni Wilson si Jewel sa kanyang bayan at dito unti-unting mahuhulog ang loob nila sa isa’t isa.
Magkaayos pa kaya sina Jewel at Emerald? Mahanap kaya nina Jewel at Wilson sa isa’t isa ang pagmamahal na matagal na nilang inaasam?
Ang “Run to Me” ay idinerehe ni Dwein R. Baltazar at iprinodyus ng ABS-CBN Entertainment, Dreamscape Entertainment, iWantTFC, at Kumu. Pinagbibidahan din ito nina Malou Crisologo, CJ Navato, Karl Gabriel, Ivan Carapiet, Margaux Montana, Henz Villaraiz, Matty Juniosa, at Haira Palaguitto.
Mapapanood ang serye sa Kumu simula Mayo 20 at sa iWantTFC sa Mayo 21, 8 PM (Manila time), na may bagong episode na ipapalabas kada Sabado.