Umiinit na ang kompetisyon sa loob ng bahay ni Kuya kung saan nominado para sa unang eviction night ng “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition sina Don Hilario, Kai Espenido, Rob Blackburn, Stef Draper, at Stephanie Jordan.
Nakakuha si Rob ng 11 na puntos na sinundan ni Don na may 6 na puntos. Sina Kai, Stef, at Stephanie naman ay pawang nakakuha ng tig 5 puntos. Isa sa kanila ang matutuldukan ang pagiging teen housemate sa Linggo (Abril 3).
Samantala, tinanghal naman na unang Head of Household si Maxine Trinidad kaya ligtas siya sa ginawang nominasyon, habang hindi ginamit ni Gabb Skribikin ang kanyang napanalunang immunity pass sa follower sprint sa Kumu. Pwede niya itong gamitin sa anumang punto ng kompetisyon habang nasa loob siya ng bahay ni Kuya upang makaligtas sa nominasyon.
Kahit hindi pinalad ang housemates sa kanilang basketball choreography weekly task, nagwagi naman sina Dustine Mayores, Luke Alford, at Paolo Alcantara sa kanilang sacrifice task upang matulungan ang tatay ng kasamahan na si Gabb sa pagpapagamot nito sa malubhang sakit.
Kahit natagalan silang maka-shoot ng layup, free throw, three-point basket, at half-court shot kasama si Gabb nang limang beses na hindi nagkakamali, hindi sila tumigil upang makatulong sa kapwa housemate hanggang sa magtagumpay sila.
Bumuhos naman ang luha ni Gabb nang malaman ang sakripisyo ng kanyang housemates at nang mapanood ang mensaheng pasasalamat mula sa ama na nakikipaglaban sa sakit.
Sino kaya ang unang magpapaalam sa bahay ni Kuya? Kaninong kwento pa kaya ang magpapaantig sa viewers? Abangan sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition. Sundan ang official “PBB” social media accounts na @PBBabscbn sa Twitter at @PBBabscbntv sa Facebook at Instagram sa at manood ng “Kumulitan” sa @pbbabscbn sa Kumu ng 5:45 pm at “Kumunity G sa Gabi” ng 9 pm kasama ang ex-adult housemate ni Kuya na si Isabel Laohoo ngayong linggo.
Tutok lang sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC, at TFC tuwing 5:45 pm mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 pm ng gabi. Eere naman ito tuwing 7 pm kada Sabado at Linggo. Abangan din ang dailly Kumulitan sa app.kumu.ph/pbbhouse.