Dadaan sa pinakamalaking pagsubok ang pagmamahalan nina Thyme (Bright Vachirawit) at Gorya (Tu Tontawan) dahil sukdulan na ang pagpapahirap sa kanila ng ina ng binata sa huling tatlong episode ng “F4 Thailand: Boys Over Flowers.” Hanggang saan ang kaya nilang ipaglaban para sa kanilang relasyon?
iWantTFC users sa Pilipinas ang unang makakapanood ng nalalapit na pagtatapos ng serye kada Sabado, 9:30 PM. Libre itong napapanood sa Pilipinas kasabay ng airing nito sa Thailand. Ipinapalabas din ito sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z kada Linggo ng 8:30 PM.
Hindi pa tapos ang mga pagsubok nina Thyme at Gorya dahil desidido si Roselyn (Cindy Bishop), ang ina ni Thyme, na pahirapan ang dalawa at tuluyan na silang paghiwalayin. Gagawin ni Roselyn ang lahat upang patunayan na walang lugar ang isang katulad ni Gorya sa magarbong buhay ni Thyme.
Dahil sa masasamang balak ni Roselyn, mas lalong lalayo ang loob ni Thyme sa kanya. Pero hindi naman magpapatinag sina Thyme at Gorya dahil ipapamukha nila kay Roselyn na totoo ang kanilang pagmamahahalan at handa silang ipaglaban ito.
Madadamay din sa lumalaking gulo ang ibang mga miyembro ng F4 na sina Ren (Dew Jirawat), Kavin (Win Metawin), at MJ (Nani Hirunkit). Malalagay sa alanganin ang reputasyon ng F4 dahil sa mga pakulo nila upang protektahan sina Thyme at Gorya laban kay Roselyn.
Malalagpasan kaya nina Thyme at Gorya ang sunod-sunod na hamon sa kanilang relasyon? Makakatulong kaya ang F4 kina Thyme at Gorya o mas lalong silang malalagay sa panganib?
Ang “F4 Thailand: Boys Over Flowers,” na laging pasok sa listahan ng Top 10 shows sa iWantTFC simula nang ipinalabas ito, ang isa sa mga Thai series na napapanood sa Pilipinas bilang bahagi ng kasunduan ng ABS-CBN sa Thai content company na GMMTV.
Mapapanood sa Pilipinas nang libre ang “F4 Thailand: Boys Over Flowers”” sa iWantTFC app at website (iwanttfc.com) tuwing Sabado ng 9:30 PM. Ipinapalabas din ito sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, at A2Z tuwing Linggo, 8:30 PM.