Dalawa ang nadagdag pa sa teen housemates ni Kuya sa pagpasok nina Stephanie Jordan at Paolo Alcantara upang magbigay ng sigla sa mga tagasubaybay ng “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition.
Ipinanganak sa New Zealand si Stephanie (“Ang Freespiriteen Voice ng Cebu”) na dating kalahok sa “The Voice Kids,” pero kalaunan ay nanirahan sa Cebu na probinsya ng kanyang ina. Nakababatang kapatid naman ni “Hello, Stranger” star na si JC Alcantara si Paolo (“Ang Determinadong Pogisyano ng Nueva Ecija”) na nais ding gumawa ng marka sa industriya tulad ng kanyang kuya.
Sa episode noong Lunes (Marso 21), natulungan nina Ashton Salvador, Don Hilario, Dustine Mayores, Eslam El Gohari, Gabb Skribikin, Kai Espenido, Luke Alford, Maxine Trinidad, Rob Blackburn, Stef Draper, at Tiff Ronato sina Stephanie at Paolo na tuluyang makapasok sa ‘PBB’ house dahil nagawa nila ang task ni Kuya na matukoy ang mga gamit mula sa dekada 90 tulad ng diskette, VHS, at plastic balloons.
Puspusan na rin ang 13 housemates sa kanilang bagong weekly task na paggawa ng basketball choreography matapos silang matalo sa unang weekly task.
Samantala, nagsanib-pwersa naman sa unang pagkakataon ang P-Pop groups na BINI at SB19 para sa bagong bihis ng kantang “Kabataang Pinoy” na unang pinasikat ng Itchyworms. Tinanghal nila nang live ang kanilang bersyon na soundtrack ng “PBB Kumunity” Teen Edition noong weekend.
“First ever na nagka-collab kami ng P-Pop group so that’s why it’s very special,” ani ng SB19.
Pahayag naman ng BINI, “ Ang genuine lang ng nabuong friendship po and can’t wait to do more collaborations with them.”
Sa pagsusulat na ito, nasa number 44 sa trending list sa YouTUbe ang official music video ng “Kabataang Pinoy” na mapapanood sa YouTube Channel ng Star Music.
Magtagumpay kaya ang teen housemates sa basketball choreography weekly task? Abangan sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition. Sundan ang official “PBB” social media accounts na @PBBabscbn sa Twitter at @PBBabscbntv sa Facebook at Instagram sa at manood ng “Kumulitan” sa @pbbabscbn sa Kumu ng 5:45 pm at “Kumunity G sa Gabi” ng 9 pm kasama ang ex-adult housemate ni Kuya na si Zach Guerrero ngayong linggo.
Tutok lang sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC, at TFC tuwing 5:45 pm mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 pm ng gabi. Eere naman ito tuwing 7 pm kada Sabado at Linggo. Abangan din ang dailly Kumulitan sa app.kumu.ph/pbbhouse.