in

Mga programa ng ABS-CBN, patuloy na umaarangkada sa Latin America

Tuloy-tuloy pa rin ang ABS-CBN sa pag-arangkada ng mga programa nito sa labas ng bansa dahil palabas na rin sa iba’t ibang bahagi ng Latin America ang Spanish-dubbed version ng “Kadenang Ginto” at “A Love to Last.”

Palabas na ngayon sa Ecuador ang hit afternoon serye na “Kadenang Ginto” o “La Heredera” nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Dimples Romana, Beauty Gonzalez, Albert Martinez, Adrian Alandy, Kyle Echarri, at Seth Fedelin na mapapanood sa free-TV network nitong Ecuavisa simula pa noong Disyembre.

Tampok sa teleserye ang matinding alitan nina Romina (Beauty) at Daniela (Dimples), na ipagpapatuloy nila kasama ang kanilang mga anak na sina Cassie (Francine) at Marga (Andrea) kung sino ba talaga ang nararapat na magmana sa kayamanan ng mga Mondragon.

Samantala, hindi rin nagpahuli ang teleseryeng “A Love To Last,” o kilala rin bilang “Un Amor Duradero” sa pagpapalabas din nito sa Panamericana TV, pati na sa pay-TV 24/7 telenovela channel na Pasiones TV noong isang taon.

Pinangunahan nina Ian Veneracion, Bea Alonzo, Iza Calzado, Julia Barretto, JK Labajo, Enchong Dee, Hannah Lopez, at Ronnie Alonte, tinutukan ng madla ang love story nina Andeng (Bea) at Anton (Ian) at kung paano nila hinarap ang pagsubok sa kanilang pamilya at ang paghadlang ni Grace (Iza), ang dating may-bahay ni Anton, sa kanilang pag-iibigan.

Maliban sa mga programang ito, una na ring namayagpag sa Latin America ang 2015 remake ng “Pangako Sa’Yo,” tampok ang pag-iibigan nina Yna (Kathryn Bernardo) at Angelo (Daniel Padilla), sa mga bansang Peru, Colombia, Ecuador, at Dominican Republic. Nakatanggap rin ng nominasyon ang isa sa mga bida nito na si Jodi Sta. Maria sa 2016 International Emmy Awards para sa pagganap niya sa programa.

Simula noong mag-distribute ang ABS-CBN ng mga programa nito sa Latin America, mahigit 2,000 hours ng content nito ang naibenta sa rehiyon. Maliban pa rito, may scripted format deal din ang ABS-CBN sa Mexico para sa teleserye nitong “Pangako Sa’Yo.”

Patuloy rin ang ABS-CBN sa paghahatid ng mga programa nito sa iba pang bahagi ng mundo, tulad ng pagpapalabas ng “Bagong Umaga” sa 41 na bansa sa Africa, at ang pag-ere ng “La Vida Lena” at “Huwag Kang Mangamba” sa Myanmar.

Bisitahin lamang ang https://www.abs-cbn.com/internationalsales/about para sa karagdagang detalye patungkol sa ABS-CBN International Distribution.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Tony V at Danny B, tuloy ang paghimay sa mga isyu sa ‘Halalan 2022’ sa ‘POV:Xyz’

DonBelle, Vice Ganda, Kim Chiu, at Jodi Sta. Maria wagi sa 7th Push Awards