Ibinahagi ni Piolo Pascual ang matinding sakit na nadarama ng iniwan ng minamahal sa bago niyang awitin mula sa Star Music, ang “Tawag Mo” na may solo at duet version na inilabas nang magkasabay.
Ang tinaguriang Asia’s Soul Supreme na si KZ Tandingan ang kasama ni Piolo sa duet version ng awitin.
Inilunsad tatlong araw bago mag-Valentine’s, kwento ng “Tawag Mo” ang pinagdaraanan ng isang nabigo sa pag-ibig, mula sa paghihintay na may ‘tatawag’ at babalik pang muli, pagnamnam ng kirot, at ang pagtanggap na wala na talagang aasahang pagmamahal.
Sinundan ng awitin ang makabagbag damdaming “Iiyak sa Ulan” na inilabas ni Piolo noong 2020. Si Ralph Castro ang sumulat at naglapat ng musika sa “Tawag Mo.” Si Theo Martel naman ang nag-areglo ng kanta na iprinodyus ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo.
Noong Enero, naganap na ang pinakahihintay na pagbabalik ni Piolo sa longest-running musical variety show ng ABS-CBN na “ASAP Natin ‘To.” Bibida rin siya sa Philippine adaptation ng hit Korean drama na “Flower of Evil” kasama ang bagong Kapamilya star na si Lovi Poe.
Mapapakinggan na ang awiting “Tawag Mo” ni Piolo at ang duet version nito kasama si KZ sa iba’t ibang music streaming services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).