Nakapagtala na ang breakout P-pop group na BGYO ng higit sa sampung milyong streams sa Spotify at 12 milyong views sa YouTube sa unang taon nito malapos ilunsad ang grupo noong 2021.
Para ipagdiwang ang sunod-sunod na tagumpay at ang unang anibersaryonila, babalikan ng grupo ang mga pinagdaanan nila sa kanilang debut year sa isang livestreaming party ngayong Sabado (Enero 29), 6 PM sa Facebook page, kumu, at YouTube channel ng BGYO. Simula pa lang ito ng anniversary celebration nila dahil marami pang inihandang sorpresa ang BGYO para sa fans.
Panibagong tagumpay naman ang natamo ng BGYO dahil umabot na sa lampas isang milyong streams ang awitin nilang “Kundiman” noong Enero 21. Ito na ang ikalimang kanta mula sa debut album nilang “The Light” na nakuha ang record na ito sa Spotify.
Bukod dito, kasama rin ang BGYO sa L’Officiel Philippines issue ngayong buwan kung saan tampok sa cover ang hit K-Pop group na BTS.
Sa maikling panahon lamang, naging matunog at usap-usapan sina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate dahil sa ipinakita nilang galing sa pag-awit, pagsayaw, at pati na rin sa pagsusulat ng kanta para sa ilang mga miyembro. Mula sa milyon-milyong streams sa iba’t ibang streaming platforms, napabilang na rin sila sa ilang international charts tulad ng Billboard’s Next Big Sound at Next Big Sound’s Pandora Predictions Chart at nakapag-perform hindi lang dito sa bansa kundi pati na sa Dubai.
Gumawa rin ng kasaysayan ang grupo kasama ang sibling group nila na BINI nang magsanib pwerse sila sa kauna-unahang sibling concert ng P-Pop na “One Dream: The BINI x BGYO Concert” na napanood sa buong mundo noong Nobyembre 6 at 7 sa KTX.PH, iWantTFC, at TFC IPTV. Dahil naman sa maiinit na pagtanggap ng fans dito, mapapanood muli ang concert sa darating na Pebrero 12 (Sabado) at 13 (Linggo). Bukod sa performances ay may hinanda rin supresa ang BGYO at BINI sa mga manonood muli nito. Sa mga interesado, maari nang bumili ng tickets sa KTX.PH.
Huwag palampasin ang anniversary celebration ng BGYO live ngayong Sabado (Enero 29), 6PM sa Facebook page, kumu, at YouTube channel ng grupo.
Para sa karagdagang updates tungkol sa BGYO, sundan ang BGYO_ph sa Facebook, Twitter, at Instagram, at mag-subscribe na sa official YouTube channels nilang BGYO Official.