in

Anim na bagong adult housemates, nakapasok na sa ‘PBB Kumunity’

Kumpleto na sa wakas ang housemates ni Kuya dahil tuluyan nang nakapasok sa “PBB” ang anim pang housemates na magdaragdag ng kulay sa “PBB Kumunity Season 10.”

Magkasamang pumasok ang tatlong Pilipino mula sa Italy na sina Basti Macaraan (“Ang Service Crewlit Bro ng Italy”), ang kapatid niyang si Jaye Macaraan (“Ang Service Crewelang Bro ng Italy”), at si Rica Kriemhild (“Ang Dolce Amore Daughter ng Italy”).

Sumunod naman sina Andrei King (“Ang Streamdependent Dreamhunk ng Taguig”), Kathleen Agir-Zarandin, (“Ang Orphan-Along Caregiver ng USA”), at Roque Coting (“Ang Salesma-Sikap Man ng Davao”) na mga nagwagi sa “Online Bahay ni Kuya sa Kumu.”

Muli ring nagbalik bilang houseguest si Glenda Victorio (“Ang Brilliant CEO ng Rizal”), na unang napanood noong “PBB Connect.” Hudyat din ang comeback ni Glenda sa pagsisimula ng “Pinoy Big Brother House Player Campaign on Kumu,” kung saan pwedeng hamunin ang housemates ng mapipiling house player.

Kailangan lang mag-livestream sa Kumu hanggang Enero 27 ang lahat ng interesadong Kumu streamers na may edad 20 hanggang 40 taong gulang. Ang limang streamer na may pinakamaraming virtual gifts ang magkakaroon ng chance na maging house player ni Kuya.

Mas nakilala rin ng housemates ang mga bago nilang kasama sa pagiging Supervisor o Bisor ni Zach Guerrero (“Ang Smillennial Charm ng Aurora”).

Samantala, matamis ang tagumpay ng adult housemates sa kanilang weekly task dahil matutupad ang pangako ni Kuya na ipapaayos nito ang nasirang bahay ni Gin Regidor na winasak ng bagyong Odette.

Matapos magwagi sa weekly task, kung saan bumuo sila ng bahay na may taas na anim na talampakan, masayang ibinalita ni Isabel Laohoo sa kapwa housemates na matutulungan nilang mapaayos ang bahay ni Gin sa Cebu bilang pabuya.

“Yung reward is ‘di ba alam niyo nabagyuhan ‘yung Cebu? Tapos nakita natin ‘yung bahay ni Gin? So ‘yung kina Gin bahay, mapapaayos siya,” ani “Bubbly Boss Lady ng Leyte.” Sa kapwa housemates na sina Gin, Laziz, Nathan, Raf, Seham, Thamara, Michael Ver, Aleck, at Zach.

Hindi naman mapigilan ni Gin na ngumiti dahil sa masayang balita.

“Sobrang saya Kuya. Tumataas ‘yung mga balahibo ko. Naging emotional na, Kuya,” sabi ng “Surviving Sementeryo Girl ng Cebu.”

Magiging masaya kaya ang bahay ni Kuya ngayong kumpleto na ang adult housemates niya? Abangan sa “PBB Kumunity Season 10” Adult Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC, at TFC tuwing 5:45 pm mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 pm ng gabi. Eere naman ito tuwing 7 pm kada Sabado at Linggo. Samantala, mapapanood ang 24/7 livestream ng “PBB Kumunity” sa Kumu.

Abangan din sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Enchong Dee, at Melai Cantiveros sa “Kumulitan” sa Kumu tuwing 5:30 pm at ang celebrity housemate na si Samantha Bernardo na magsisilbing host ng “Kumunity G sa Gabi” mula Enero 24 (Lunes) hanggang Enero 28 (Biyernes) tuwing 9 pm.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Nakakagigil na mga eksena sa ‘The Broken Marriage Vow,’ trending sa social media