Pagkatapos maging finalist sa HIMIG 11th edition, mas ipapakilala pa ng OPM band na Kiss N Tell ang kanilang musika sa bago nilang single na “Lundag” na ini-release ng DNA Music ng ABS-CBN.
Tungkol ang “Lundag” sa emosyonal na paglalahad ng unconditional love ng isang tao sa kanyang minamahal kahit na masaktan pa siya at hindi mahalin pabalik.
Ayon sa banda, tinatalakay sa kanta ang pagiging ‘rebound’ sa isang relasyon. “Kahit na rebound ka lang o masasandalan, hindi mo na iniisip kung may chance ba na mahalin ka rin basta hindi lang masasaktan ‘yung mahal mo.”
Ang band members na sina Joshua Ortiz (rhythm guitar) at Aniceto Cabahug III (lead guitar) ang nag-compose ng “Lundag” habang ipinrodyus naman ito ni Eunice Jorge ng bandang Gracenote at ng Velvet Playground.
Nabuo ang alternative pop rock band na Kiss N Tell noong 2019 at naging isa sa 12 finalists ng HIMIG 11th edition songwriting competition ng ABS-CBN gamit ang sarili nilang komposisyon na “Pahina.”
Bukod kina Joshua at Aniceto, kasama rin sina Lennix Purificacion (lead vocals), Arjumar Arbotante (bass guitar), Ronnel Navarro (keys), at Ernie Bañares (drums) sa kasalukuyang lineup ng banda.
Matapos ipamalas ang galing sa pagsusulat ng awitin sa HIMIG, opisyal na ring pumirma ang banda sa DNA Music, isang record label ng ABS-CBN na naglalayong pasiglahin ang industriya ng pagbabanda at tulungang mas umangat ang mga rock, alternative, at reggae artists.
Pakinggan ang bagong single ng Kiss N Tell na “Lundag” sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang DNA Music sa Facebook (www.facebook.com/dnamusicph), Twitter at Instagram (@dnamusicph).