Manganganib ang samahan ng mag-asawang Andrei at Camille (Paulo Avelino at Janine Gutierrez) sa pagharap nila sa pinakamalaking dagok sa kanilang relasyon at pamilya sa finale ng Kapamilya teleseryeng “Marry Me, Marry You.” Mapapanood ang huling tatlong linggo nito sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Madudurog ang puso nila pagkatapos malaglag ang dinadalang baby ni Camille. Ito naman ang magiging dahilan ng paglayo ng loob ni Camille sa asawa habang dinadalamhati niya ang pagkawala ng sana’y magiging anak nila.
Lalala pa ang problema sa relasyon ng dalawa nang malaman nilang si Andrei ang totoong ama ng baby ni Patricia (Iana Bernardez), ang dating kasintahan ni Andrei, at hindi ang best friend nitong si Cedric (Jake Ejercito). Dahil sa rebelasyong ito, madadala si Patricia sa kanyang kahibangan at pilit na aangkinin si Andrei.
Pero hindi lang iyon ang kailangan malagpasan nina Andrei at Camille dahil titindi rin ang hidwaan sa pagitan nina Camille at Laviña, ang stepmom ni Andrei. Matutuklasan kasi ni Camille na sadya siyang pinabayaan ni Laviña para tuluyang malaglag ang kanyang sanggol.
Magiging tensyonado rin ang pagtatapos ng “Marry Me, Marry You” dahil ipinakita sa finale trailer na mapapahamak ang buhay nina Andrei at Camille dahil sa masasamang balak nina Patricia at Laviña.
Sa kabila ng lahat ng pagsubok na pagdadaanan nina Andrei at Camille, nananatili namang matatag ang pamilya ni Camille dahil sa suporta at pagmamahal ng mga ninang niyang sina Elvie, Marvi, at Paula (Cherry Pie Picache, Vina Morales, at Sunshine Dizon) at gagawin nila ang lahat para mabuo muli ang kanilang pamilya.
Magkakaroon pa kaya ng happy ending ang love story nina Andrei at Camille? May pag-asa pa bang magkaayos ang kani-kanilang mga pamilya?
Subaybayan ang “Merrily Ever After” finale ng “Marry Me, Marry You” gabi-gabi tuwing 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z.
Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “Marry Me, Marry You,” na nakasama sa listahan ng mga pinakapinapanood na TV programs sa multicultural Asian homes sa U.S. noong Setyembre. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.