Hindi nagpaawat ang ABS-CBN sa pagpapadama ng Pasko sa mga Pilipino sa buong mundo sa pamamagitan ng “Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa: The ABS-CBN Christmas Special 2021” noong Sabado (Disyembre 18) na nagbigay-pugay sa mga bayani sa ating lipunan at mga sektor sa kanilang mga sakripisyo para sa bayan.
Kasama ang mga bayani sa lipunan, nakapaghatid ang mahigit 100 Kapamilya stars ng saya at inspirasyon sa show na napanood sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
Trending maghapon hanggang gabi ang hashtag na #ABSCBNChristmasSpecial2021 dahil sa mga kapana-panabik na number tulad ng star-studded na opening tampok ang mga pinasikat na Christmas themes ng ABS-CBN, ang sorpresang reunion ng isang pamilya sa segment ng “It’s Showtime,” ang panghaharana ng Kapamilya leading men sa mga frontliner, at kilig at exciting na kantahan at sayawan ng mga patok na loveteam at cast ng mga programa at teleserye. Naghatid rin ng mga mensahe sina Charo Santos-Concio, ang mga mamamahayag ng ABS-CBN News at iba pang top artists ng ABS-CBN.
Nagkaroon din ng dance evolution production number ang Star Magic artists bilang paggunita sa ika-30 anibersaryo ng talent management arm ng ABS-CBN. Nagbigay aliw rin ang buong pwersa ng Star Magic sa “Star Magical Christmas: The Star Magic Christmas Special” na ipinalabas sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel bago ang ABS-CBN Christmas Special.
Pinagusapan din ang pagbabahagi ng ABS-CBN ng mga aabangang programa at pelikula sa 2022 sa pangunguna ng “2 Good 2 Be True” ng KathNiel, “The Broken Marriage Vow” nina Jodi Sta. Maria at Zanjoe Marudo, pagbabalik nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte sa “Love in 40 Days,” at ang parating na bagong teleserye at pelikulang “The Breakup Trip” nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Nagpatikim rin sa “Darna: The TV Series” ni Jane De Leon, “My Papa Pi” tampok sina Piolo Pascual at Angelica Panganiban, ang bagong season ng “I Can See Your Voice” ni Luis Manzano, at ang mga aabangang palabas sa iWantTFC sa pangunguna ng “He’s Into Her Season 2” ng DonBelle.
Binida rin ang original series mula sa ABS-CBN Entertainment at iQiyi na “Saying Goodbye” at “Hello Heart,” ang pelikulang “Love is Color Blind” ng DonBelle, at ang mga entry sa Metro Manila Film Festival na “Love at First Stream” at “Whether the Weather is Fine.”
Si John Prats ang nagsilbing direktor ng special, na sinimulan at tinapos sa isang madamdaming dasal na pinangunahan ng isang batang babae, at mga lider ng ABS-CBN na sina Mark Lopez, Carlo Katigbak, at Cory Vidanes.