Mula sa tagumpay ng kanta niyang “Fallin’” kasama si Dave Anoñuevo, handog ng TikTok star na si Zion Aguirre ang pop-rock Filipino song na “Ikaw At Ako (Hanggang Dulo)” na kumuha ng inspirasyon sa personal niyang karanasan at mapapakinggan na simula Biyernes (December 17).
Paliwanag ng electro-pop artist, sinasabi sa kanta na kahit ano pa man ang pagdaanan ng isang tao, magiging maayos din ang lahat kung kasama niya ang mga tamang tao na mahal niya. Sakto rin daw ang “Ikaw At Ako (Hanggang Dulo)” ngayong kapaskuhan dahil may mensahe ito ng inspirasyon at pag-asa.
Samantala, “Halaga” naman ang Tagalog debut single ng R&B singer na si Maki na swak para sa mga laging iniisip ang sinasabi ng iba. Gamit ang mapusong interpretasyon ni Maki, layunin din ng kanta na ipaalala ang halaga ng bawat isa.
“No matter how many people make you feel unworthy, there will always be a person who will appreciate everything about you and remind you how beautiful you are. I really want to tell people that they’re good enough and worthy, and they belong to someone who can love and care for them unconditionally,” ani Maki sa R&B/soul track.
Ilan lamang sina Zion at Maki sa mga artist ng Tarsier Records label ng ABS-CBN. Bukod sa pagiging singer-songwriter, isa ring social media personality si Zion na may mahigit 800,000 na pinagsama-samang followers sa iba’t ibang platforms. Si Maki naman, kasalukuyang nag-aaral ng Communication Arts na kamakailan lang ay pumirma na rin sa music label at layuning makapaglabas ng mga kanta na tutulong sa mga tao na maramdamang hindi sila nag-iisa.
Pakinggan ang “Ikaw At Ako (Hanggang Dulo)” ni Zion at “Halaga” ni Maki simula ngayong Biyernes (Dec. 17) sa iba’t ibang digital music services.