Pagkakataon nang malaman ng fans kung paano ba nagsimula ang mga paborito nilang artista bago sila sumikat sa kauna-unahang podcast ng Jeepney TV na “BTWS (Before They Were Stars)” simula ngayong Sabado (Nobyembre 13), kung saan unang itatampok si Piolo Pascual.
Ang “BTWS” ay isang 15-minute weekly podcast na pangungunahan ng Kapamilya host na si DJ Jhai Ho at magtatampok ng mga pinagdaanan ng mga artistra noong bago pa lang sila sa industriya pati na ang mga kinaharap nilang pagsubok at mga nakamit nilangg tagumpay simula noong nagsisimula pa lang sila sa showbiz.
Para sa premiere episode, magkukwento ang ‘Ultimate Heartthrob’ tungkol sa mahirap na desisyong ginawa niya sa pagitan ng pag-pursue ng acting career at sa buhay sa Amerika kasama ang pamilya, ang odd jobs na pinasok niya roon, paano nga ba nagsimula ang iconic na tambalang Piolo-Juday, at ang mga papel na ginampanan niya sa TV at pelikula na humubog sa kanya bilang aktor.
Layunin din ng “BTWS” na ipakita kung paano nagsikap ang mga pinakamalalaking bituin sa ngayon para magtagumpay sa napili nilang karera at hangad ding magbigay-inspirasyon sa mga listener na sundan lang ang pangarap nila.
Itatampok din sa mga susunod pang episode sina Jodi Sta. Maria, Judy Ann Santos, Anne Curtis, Angelica Panganiban, at Jericho Rosales.
Bagong adisyon ang “BTWS,” na co-produced din ng pinakamalaking podcast network sa Southeast Asia na Podcast Network Asia, sa mga kakalunsad lang na podcast ng lima sa digital shows ng ABS-CBN Entertainment na “Hotspot,” “Kapamilya Chat,” “Push Bets,” “Push Most Wanted,” at “Push Extra Scoop.” Alinsunod ito sa layunin ng ABS-CBN na palawakin ang serbisyo nila para sa content needs ng Pinoy digital market.
Alamin ang daan patungo sa tagumpay ng iyong idol at pakinggan ang “BTWS” podcast sa Spotify at Apple Music simula ngayong Sabado (Nobyembre 13).